Search This Blog

Sunday, January 24, 2021

MAGING MASIKAP SA BUHAY NA BANAL

 BASAHIN: 2 Pedro 3:8-13

Ang Panginoong Jesus ay magbabalik. Tiyak ito! Kung kailan, ito ang hindi natin matutukoy. Ang hiwaga ng kanyang muling pagparito ay nanatiling hiwaga hanggat hindi ito nagaganap. Ang mahalaga, tayo, bilang mga mananampalataya Niya ay nagpapatuloy sa matiyagang paghihintay.”

 


Ang tinatawag na mga huling araw o end times ay kadalasang naglalagay ng takot sa puso at isipan ng mga tao sa halip na ang idulot nito’y kapayapaan. Marahil, ito’y dahil na rin sa sistema ng katuruang may isasama at may maiiwan sa pagbabalik ng Panginoon. Ang dapat nating paniwalaan ay ito, “na ang Panginoong Jesu-Cristo ay muling babalik at ito ang ating itinuturing na Mapalad na Pag-asa o Blessed Hope” (mula sa Paninindigan tungkol sa Rapture Theory ni Dr. Jaime Pante). Sa ikalawang sulat ni Apostol Pedro, na ang nilalaman ay mga babala, mga paalaala at mga pangako, kinailangan niyang dalhin ang mensahe ng Mapalad na Pag-asa ng muling pagbabalik ng Panginoong Jesus na isinulat rin ni Pablo kay Tito (2:13) upang dalhin ang pag-asa sa mga mananampalataya at hindi upang sila ay mangatakot. Ano ang dapat nating maging tugon sa katotohanang muling paririto ang Panginoong Jesus?

MAGSISI AT TUMALIKOD SA KASALANAN (t. 8-9). Ang mga abala sa end times ay pilit na sinusukat at inaalam ang mga tanda sa muling pagparito ng Panginoong Jesus. Samantala, sinabi na ni Apostol Pedro sa mga mananampalataya noon, na ang araw ng tao ay hindi kasing-sukat ng araw ng Diyos. Hindi magma-match ang anumang mathematical equations at anumang pagbilang ng mga araw, sa araw ng Panginoon. Pero di man tiyak ang araw, ang pangako ng Kanyang pagbabalik ay tiyak at “nagbibigay Siya ng pagkakataon sa lahat sapagkat hindi Niya nais na may mapahamak.” Ang katotohanan ng Mapalad na Pag-asa ay nagbibigay ng pagkakataon SA LAHAT na magsisi at tumalikod sa kasalanan.

MAMUHAY NA MAY KABANALAN AT MAKADIYOS. (t. 10-11). “Tulad sa isang magnanakaw.” Sa ganitong paghahalintulad binanggit ang Araw ng Panginoon. Isang pagdating na biglaan at hindi inaasahan (suddenly, unexpected). Kaya nga, anumang signs na iniisip nating tanda ng pagbabalik ng Panginoong Jesus ay hindi sasapat. Ang maliwanag, sa araw ding iyon ay nakakakilabot na mangyayari sa kalangitan (hindi ang langit ng Diyos) at sa mga heavenly bodies. Ang misteryo ng pagkawala ng lahat ng bagay sa mundo ay hindi pa natin lubos na mauunawa pero katulad nang isinulat ni Apostol Pedro, sa wakas ng lahat ng bagay, dapat tayong mamuhay nang may kabanalan at magsikap na maging maka-Diyos.

NASAING MABUTI ANG PAGDATING NG ARAW NG PANGINOON (t. 12-13). Ang mga mananampalataya ay naghihintay sa Araw ng Diyos. Aktibong paghihintay, na sa kanilang pamumuhay ay nangangailangan ng pagsisikap. Nagpapatuloy sa buhay na banal at maka-Diyos. Hindi para pigilin ang wakas ng kalangitan at ang pagbabalik ng Panginoong Jesus. Sa halip, gumagawa ng mga pamamaraan upang magbigay ng mga babala, mga paalaala at mga pangako ng Diyos sa mga mananampalataya at maging sa mga taong walang kamalayan sa pagbabalik na muli ng Panginoong Jesus. Ang bagong langit at bagong lupa ay isang kalagayang pinaghaharian ng katuwiran ang lahat ng mga tao. Ito ang Araw ng Panginoon, ang dulot ay pag-asa.


 

Tayo ay magsikap na maging banal at maka-Diyos ang uri ng pamumuhay. Mahirap gawin, lalo na sa mapanghamong panahong ito na ating nararanasan. Gawin lang natin ang mabuti, sa pag-asang, isang araw, sa Araw ng Panginoon, Siya ay magbabalik! Ang Mapalad na Pag-asa natin!



Pastor Jhun Lopez



_________________________________

Nakaraang blog:MAGING HANDA SA MGA HULING ARAW 

No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...