BASAHIN: 2 Pedro 3:1-7
“Ang Bibliang gamit
natin sa pag-akay at pagtuturo tungo sa paglago sa pananampalataya ay siya ring
Bibliang gamit ng mga taong ang layunin ay ilayo tayo sa liwanag ng nito.
Mahalagang tayo ay may matibay na kaalaman sa Biblia. Tayo ay nasa mga huling
araw na at naghihintay sa araw ng muling pagbabalik ng Panginoon. Mas higit
nating kailangan ang panahon sa Kanyang Salita.”
Sa
dalawang sulat ni Apostol Pedro, sinikap niyang gisingin ang malinis na isipan
ng mga mananampalataya sa pamamagitan ng Kasulatan (t. 1-2). Ang Cristianong
nagkalat sa iba’t ibang bayan ay pinasok na ng mga huwad na guro at mga taong
mapanlinlang. Kung ang Salita ng Diyos ang instrumentong gamit ni Apostol Pedro
sa pagbibigay babala at pagpapaalaala upang magising ang diwa ng mga
mananampalataya, ang paraan at gawain naman ng mga huwad ay sirain ang
autoridad at kredibilidad ng Banal na Kasulatan. Sa panahon nating tayo ay nasa
mga huling araw na at naghihintay sa araw ng Panginoon, paano natin gagamitin
ang Biblia?
MAGTIWALA SA IPINANGAKO NG SALITA (t. 3-4). Ang mga huwad na
guro at mga taong mapanlinlang na maaaring nakapasok sa Iglesia, sa panahong
isinulat ni Pedro ang kanyang ikalawang sulat, ay “mga taong namumuhay ayon sa sarili nilang pagnanasa” (t.3). Sa
kawalan nila ng tiwala sa mga ipinangakong Salita ng mga propeta, ng Panginoong
Jesus at magin ng mga apostol, pagtatawanan nila ang mga Cristiano. Pinasisinungalingan
at hinahamak nila ang pangako ng muling pagparito ng Panginoong Jesus sa
pagsasabing “Namatay na ang ating mga
ninuno ngunit wala pa ring pagbabago buhat nang likhain ang mundong ito”
(t. 4).
PAHALAGAHAN ANG KATOTOHANAN NG SALITA. (t. 5-6). “Sinasadyang hindi
pahalagahan” ng mga huwad at mapanlinlang ang pagsasara ng kanilang isipan sa
katotohanan. Isinasara nila ang kanilang mga mata at itinatanggi ang katotohanang
nilikha ng Diyos ang langit at lupa sa pamamagitan ng Kanyang salita. Isinaysay
ni Apostol Pedro ang nakaraan; ang paglikha ng lupa buhat sa tubig at kung
paanong ginunaw ang daigdig sa panahon ng Malaking Baha. Nakasarado ang isip
nila sa anumang katotohanang ng Salita ng Diyos.
UNAWAIN ANG KAPANGYARIHAN NG SALITA. (t. 7). Ang kapangyarihan ng Salita ng
Diyos; pinananatili ang langit at lupa, pagdating ng Araw ng Paghuhukom at ang
pagpaparusa sa masasama. Minsan nang nagunaw ang daigdig sa pamamagitan ng
baha. Nangamatay ang masasama at tanging si Noe at ang kanyang pamilya ang
naligtas. Sa kasalukuyan, pinananatili ang langit at lupa sa paparating na Araw
ng Paghuhukom. Ang Salita ng Diyos ay nagbababala sa katiyakang huhukuman ang
daigdig at parurusahan ang masasama.
Ang
paraan ng mga huwad na guro at mga mapanlinlang ay magtanim ng maling pagtuturo
tungkol sa Salita ng Diyos. Ilayo ang mga mananampalataya sa pagtitiwala sa mga
pangako ng Diyos, na kanilang balewalain ang Biblia at mawalan sila ng
paniniwala sa kapangyarihan nito. Tayo ay nasa mga huling araw na. Hinihintay
na natin ang paparating. Subalit hindi natin nalalaman ang eksaktong pagdating
ng Araw ng Paghuhukom. Tiyak ang pagpaparusa sa mga masasama. Ang Salita ng
Diyos ang matibay nating sandata at masasandigan. Kaya nga, sa ating pamilya,
dapat ay maging handa tayo sa araw na ito na ang Biblia ay pangunahin sa atin.
Pastor Jhun Lopez
_________________________________
Nakaraang blog: MAGING GISING ANG MALINIS NA ISIPAN
No comments:
Post a Comment