BASAHIN: 2 Pedro 1:12-21
Sabihin,
“Sa dami ng mga fake
news ngayon, hindi na natin minsan matukoy ang totoong balita sa hindi.
Lalo na sa social media, nagkalat ang
mga forwarded messages na kahit hindi
alam ang source ay isini-share. Maging ang Biblia na nagdadala ng
Good News ay nagdudulot ng kalituhan
sa marami dahil sa magkakaibang interpretasyon nito. Kaya sa panahon ngayon,
dumagsa ang iba’t ibang grupo ng mga relihiyon, napakahalaga ng matatag na
kaalaman sa katotohanan ng Banal na Kasulatan.”
Nagpapatuloy si Apostol Pedro sa pagsulat ng kalakasan para sa mga mananampalatayang nakikipamayan sa mga bayan ng Asia Minor. Sa ikalawang sulat niya, siya ay nagbigay ng mga babala, mga paalaala at mga pangako mula sa Diyos. Ang pagbati niya ay mga words of encouragement. Sa nakaraang pag-aaral natin, pinasimulan niya ang pagpapaalaalang lalong maging masigasig sa paglilingkod ang mga kapatiran sa kabila ng mga trials and struggles na kanilang nararanasan sa ibang bayan. Ang sumunod na pagpapaalaala ay itinuon niya sa tinanggap na katotohanan ng mga mananampalataya.
Ang Katotohanan, ALAM NA NINYO (t. 12-15). “Ang katotohanang inyong tinanggap”
(t.12) ay maaaring tingnang tumutukoy sa naunang sulat ni Apostol Pedro na
tinanggap ng mga Cristianong sinusulatan niya. Subalit higit pa roon, ang
katotohanang tinutukoy niya dito ay ang Salita ng Diyos – ang Magandang Balita
ng Panginoon. Masidhi ang kanyang pagpapaalaala sapagkat kahit nalalaman niyang
matatag na ang mga ito sa katotohanan, patuloy pa rin siyang magpapaalaala (t.
12). Alam niyang nalalapit na ang kanyang pagkamatay kaya sinabi niyang, “Minabuti kong sariwain ito.” At sa
kahalagahan nito, gagawin niya ang lahat, maalaala lang nilang lagi ang katotohanan.
Ang Katotohanan, IPINAHAYAG NAMIN (t.
16-18). Ayon sa mga ipinahayag ni Apostol Pedro at nang iba pang mga apostol,
tungkol sa kapangyarihan at muling pagparito ng Panginoong Jesus, ipinaliwanag
niyang hindi ito nakabatay sa mga alamat na katha lamang ng tao. Ang tinutukoy
niyang alamat ay mga kwentong sumasalungat sa katotohahan ng Biblia dahil may
mga katha din naman ang tao na sumusuporta sa mga aral ng Biblia. Pinatutunayan
niya ang Katotohanan sapagkat siya ay saksi nang tanggapin ng Panginoong Jesus
ang karangalan at kaluwalhatian. Narinig niya, kasama sina Juan at Santiago, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong
kinalulugdan” (t.17; cf. Mateo 17:5). Inaalaala niya ang karanasan ng
pagsama sa kanya ng Panginoon sa bundok (maaaring ito ay bundok Tabor.)
Ang Katotohanan, PAG-UKULAN NINYO NG
PANSIN (t. 19-21). Matibay ang paniniwala ni Apostol Pedro sa
ipinahayag ng mga propeta (prophetic word)
na tumutukoy sa lahat ng Kasulatan. Hindi lamang sa isinulat ng mga Propeta
kundi ang Lumang Tipan na higit niyang pinagtitiwalaan kaysa narinig sa bundok.
Ang Katotohanang dapat nilang pag-ukulan ng pansin ay tulad ng “isang ilaw sa kadiliman na tumatanglaw.”
Ang pagsikat ng araw ng Panginoong Jesus sa Kanyang muling pagparito na Siyang
bituin sa umaga na magliliwanag at mahahayag sa puso ng mga mananampalataya.
Ang pagsasabing, “walang makapagbibigay
ng sariling pagpapakahulugan” (t. 20) ay hindi nagsasabing hindi natin ito
maaaaring bigyan ng kahulugan, sa halip ay sinasabi nitong ang pagpapakahulugan
ng mga manunulat nito ay hindi sa kanilang sariling kaisipan at kalooban
lamang. Na ang Katotohanan ay “galing sa
Diyos at ipinahayag ng mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Espiritu
Santo.”
Ang
Biblia ang batayan natin sa katotohanan. Marahil may alam na tayo at tinanggap
na natin ang mga aral nito. Subalit dapat tayong magpatuloy sa pagtuon at
pag-uukol ng pansin sa pagpapahalaga ng mga aral at gabay nito. Maging metatag
tayo sa katotohanan ng Biblia!
Pastor Jhun Lopez
_______________________
Nakaraang blog: MAGING MASIGASIG SA PAGLILINGKOD
No comments:
Post a Comment