Search This Blog

Friday, January 22, 2021

MAGING GISING ANG MALINIS NA ISIPAN

 BASAHIN: 2 Pedro 2:20–3:2

Hoy Gising! Ang dalawang salitang ito ay para sa mga taong natutulog, hindi lamang sa higaan, kundi sa kanyang uri ng pamumuhay. Ang pandemic at ang naganap na community quarantine ay gumising sa marami. Kitang-kita nating marami ang nanalangin at nagbalik-loob sa Diyos. Subalit sa pagtagal, matapos ang tatlong buwan, tila bumabalik na naman sa dati. Ang ating panalangin, nawa ay manatili ang mga tao sa pagkakilala sa Diyos. Hindi lamang ngayon kundi sa lahat ng panahon.”


Babala at pagpapaalaala! Babala sa masamang kasasapitan at pagpapaalala tungo sa ikabubuti ng buhay. Ito ang matunog na tono ng ikalawang sulat ni Apostol Pedro. Walang prenong masasabi, pero kailangang gawin upang ang mga mananampalataya noong nasa ibang bayan ay magabayan at magising sa natutulog nilang pananampalataya. Ang pinakamalungkot para kay Pedro ay ang kasasapitan nila kung mayroon sa kanilang tumalikod sa pananampalataya.

Babala: ANG PAGTALIKOD SA PANANAMPALATAYA, SASAPITI’Y PINAKAMALALA (2:20-22). Nagbigay si Apostol Pedro ng babala sa pagdating ng mga huwad na guro at sa pagpasok sa iglesia ng mga taong mapanlinlang. Na maaaring sa mga oras na iyon ay hindi namamalayan ng mga mananampalataya, naaakit na pala sila nito. Ang pinamakalalang maaaring mangyari ay ang maakay silang tumalikod sa pananampalataya. “Ang magiging kalagayan nila ay masahol pa sa dati” (t.20). Bakit pinakamalala? Nakatakas na sila sa kasamaan ng sanlibutan at nakilala na nila si Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas (t. 20). Nalaman na nila ang banal na utos, kaya sa pagtalikod nila, nasabi ni Apostol Pedro, “Mabuti pang hindi na nila nalaman ang daang matuwid” (t, 21). Ang pagtalikod nila ay tulad ng asong muling kinakain ang sukang nailuwa na at tulad ng baboy na matapos paliguan ay muling nagtatampisaw sa putikan. Napakalala!

Paalaala: ANG MALINIS NA ISIPAN, SA CRISTIANO’Y PINAKAMAINAM. (3:1-2). Ang malinis na isipang tinutukoy ni Apostol Pedro ay ang pagkakaroon nila ng isipang “pure, sincere and clear” (t. 1). Isipang madaling makaunawa at bukas sa kanyang mga pagpapaalaala. Ang mga huwad na gurong nakarating sa iglesia ay maaaring nakapaglagay ng mga di nakikitang hadlang sa kanilang pandinig. Mawawalan ng kabuluhan ang mga pagpapaalaala ni Apostol Pedro kung di nila siya pakikinggan. Maaaring ang mga pang-akit ng mga taong mapanlinlang ay magsara ng kanilang mga mata at sila’y maging bulag sa katotohanan tungkol sa Panginoong Jesus at sa mga aral ng Banal na Kasulatan. Sila’y tulog na kailangang gisingin! Muli niyang ipinapaaalaala ang mga aral sa pamamagitan ng mga sinabi ng mga propeta sa Lumang Tipan, sa mga sinabi ng Panginoong Jesus sa Ebanghelyo at sa mga sinabi ng mga apostol tulad nina Juan, Pablo at Pedro (t. 2).



Sa dami ng mga basurang natatanggap at natututuhan natin sa iba’t ibang mga medium tulad ng Social Media at teknolohiya, ang isipan natin ay napupuno na at tila wala nang lugar para sa Salita ng Diyos. Mas kabisado pa ang mga tauhan sa mga network games at sa mga teleserye kaysa mga tauhan sa Biblia. Mas kabisado ang mga linyang sinabi ng mga artista sa pelikula kaysa talata ng Biblia. Baka hindi na natin namamalayan, ang mga huwad na guro at mga taong mapanlinlang ay nakapasok na sa iglesia at sa ating pamilya, sa anyo ng teknolohiya. Dumating na sila. Nakapasok na sila. Gisingin na ang mga natutulog na puso at isipan. Hawiin ang mga nagkalat na “basura” at magkaroon tayo ng malinis na isipan upang tanggapin ang mga babala at mga paalaala ng Banal na Kasulatan!



Pastor Jhun Lopez



_____________________________

Nakaraang blog: MAGING MAALAM SA MGA MAPANLINLANG

No comments:

Post a Comment

Featured Post

NAGMAMALASAKIT SA IYO

        Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo.. 1 Pedro 5:7   Pasakop tayo ...