BASAHIN: Genesis 45:16-28, 46:1-7, 28-30
“Makisaya tayo sa mga tagumpay ng bawat isa sa atin. Ang pagkainggit ay dapat iwasan. Sa halip, maging daluyan tayo ng pagpapala patungo sa mga kapamilya nating tumanggap ng biyaya mula sa Diyos. At kung tayo naman ang pinagpala, ang immediate reaction natin ay ang pasasalamat sa Diyos. Tuklasin pa natin ang mga bagay na ito sa muling pagtatagpo nina Jacob at Jose.”
Ang
muling pagtatagpo nina Jose at ng labing-isa niyang kapatid ay madamdaming
tagpo. Mula sa balong pinaghulugan kay Jose hanggang sa siya ay maging
Gobernador ng Egipto, makikita natin kung paanong kumikilos ang Diyos sa
kasaysayan ng kanyang buhay. Ang buhay na pinapatnubayan ng Diyos na hindi
nakita ng kanyang pamilya ay nakita ng mga taga-Egipto. Nakita ito ni Potifar,
na Captain of the guards, kaya ginawa
siyang katiwala sa tahanan nito. Malamang ay nakita ito ni Mrs. Potifar nang tanggihan at takbuhan ni Jose ang panunukso niya.
Sa loob ng bilangguan, nakita ng bantay-kulungan ang tulong ng Diyos sa buhay
niya. At nang ipaliwanag niya ang panaginip ng Faraon, kinilala niya ang kilos
ng Diyos sa sinabi ni Jose.
ANG PABOR MULA SA FARAON (45:16-20). Ang madamdaming reunion ng
magkakapatid ay nakarating sa palasyo. Ikinatuwa ito ng Faraon at ng kanyang
mga kagawad. Sa pakikipag-usap ng Faraon kay Jose, ipinasusundo nito sa
magkakapatid ang kanilang amang si Jacob at ang buong sambahayan nito. Pinababaunan
sila ng pagkain sa paglalakbay. Pinagagamit pa sila ng karwahe papauwi at para
may magamit sa mga susunduin pabalik ng Egipto. Ang pangako ng Faraon, “Ibibigay ko sa kanila ang pinakamatabang
lupain… ang pinakamabuting lupain dito ang ibibigay ko sa kanila” (t. 18b,
20b).
ANG PABOR MULA KAY JOSE (45:21-24). Sinunod nga ni Jose ang mga bilin ng Faraon. Pinadalhan ng pagkain. Pinagdala ng mga karwahe. Bawat isa ay binigyan ng tig-iisang bihisan. Maliban kay Benjamin na kanyang buo at bunsong kapatid, limang bihisan at 300 pilak ang ibinigay niya rito. Pinadalhan pa niya ng pasalubong ang ama. Ang bilin niya sa magkakapatid, “Huwag na kayong magtatalu-talo sa daan.“ Maaaring ito ay sa dahilang kitang-kita ng magkakapatid na paborito ni Jose si Benjamin. O ang kakaibang karanasang muling makatagpo ang kapatid na pinagtangkaang patayin, inihulog sa balon at ibinenta para maging alipin.
ANG MABUTING BALITA KAY JACOB (45:25-28). Nakauwi
ang magkakapatid. Ibinalita nilang buhay pa si Jose at naging tagapamahala sa
Egipto. Hindi makapaniwala si Jose. Ang alam niya’y patay na ito ayon sa sinabi
ng magkakapatid sa kanya. Naniwala lang siya nang makita niya ang mga dala
nilang karwahe. Ang una niyang nasabi, “Salamat
sa Diyos!” Dala ang lahat ng kanilang ara-arian, nagpunta ang buong
sambahayan ni Jacob sa Egipto. Naghandog siya sa Diyos at sa isang pangitain ay
tinanggap ang pangako ng Diyos sa kanya
(basahin ang 46:1-5).
MULING NAKITA ANG PABORITONG ANAK
(46:28-30). Sinalubong ni Jose ang amang si Jacob. Niyakap niya ang amang
mahigit dalawampung taon niyang hindi nakita. Isipin na lang ang tiniis niyang hirap
sa edad na seventeen. Kaya’t matagal na iyakan ang naganap. Narito
ang wikang punung-puno ng kagalakan at pasasalamat ni Jacob, “Ngayo'y handa na akong mamatay sapagkat
nakita na kitang buháy” (t. 30).
MGA ARALIN SA MULING PAGTATAGPO:
(Basahin at pag-usapan.)
1.
Sa
nakarating na mabuting balita, makisaya’t maging pagpapala.
2.
Sa
mabuting balitang tinanggap, sa Diyos unang magpasalamat.
3. Gaano man kahaba ang ipinagdalamhati, sa tamang panahon ng Diyos ay mapapawi.
Ang plano at kalooban ng Diyos ay tiyak na mangyayari. Katulad ng naganap sa buhay ni Jose, sa anumang pangit na karanasan niya, ang pagkilos ng Diyos ang ating nakita. Payapa at panatag siyang nagpasakop sa pag-agos ng mga nais ng Diyos para sa kanyang buhay. Ang panaginip niyang yuyukod sa kanya ang mga kapatid ay naganap nang wala siyang anumang intentional effort para maganap ito. Lahat ay naaayon sa pagkilos ng Diyos sa kanyang buhay
Ang
muling pagtatagpo ng magkakapatid ay isang malaking kagalakan. Lalo na ang
pagtatagpo ng ama at ng kanyang paboritong anak. Tamang reaksyon ng pakikisaya
ang ginawa ng Faraon. Tamang reaksyon ng pasasalamat ang ipinakita ni Jacob.
Tayo man sa ating pamilya. Makisaya sa sinuman sa ating nagsasaya. Magpasalamat
sa Diyos sa tinanggap nating pabor sa Kanya.
Pastor Jhun Lopez
_____________________________
Nakaraang blog:ANG DIYOS ANG NAGDALA SA ATIN
No comments:
Post a Comment