Search This Blog

Friday, September 11, 2020

SA GITNA NG PAGSUBOK, MAGPASALAMAT

Basahin: 1 Pedro 1:3-12 

Ang unang sulat ni Apostol Pedro ay para sa mga ‘hinirang ng Diyos na nakikipamayan’ sa mga probinsiya ng Asia Minor na noo’y nangangailangang palakasin ang loob at bigyan ng pag-asa dahil sa matinding pagpapahirap (suffering) na kanilang nararanasan sa mga bayang umuusig sa kanilang pananampalataya. Nagsimula ang sulat sa pagbati na ang pagpili sa kanila ng Diyos ay may layuning sila ay “maging masunurin kay Jesu-Cristo” (t.2) at sa panalanging sumagana sa kanila ang kagandahang-loob at kapayapaan. Sa panimula pa lamang ay inihahanda na ni Pedro ang mga mambabasa sa layuning ipaalaala sa mga Cristiano, na ang mga matitinding pagsubok ay hindi katapusan ng buhay, na may pag-asa sa kabila ng mga pagpapahirap na nararanasan.

Pasalamatan natin ang Diyos. Paano? Una, magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat BINIGYAN NIYA TAYO NG PANIBAGONG BUHAY (t.3-5). Niremind ni Pedro ang mga sinusulatan niya na ang pagkabuhay na muli ng Panginoong Jesus ang dahilan ng kanilang pag-asa sa buhay. Na ang panibagong buhay ay hindi lamang sa lupang ito, sila ay magmamana ng “kayamanang di masisira, walang kapintasan at di kukupas na inihanda ng Diyos sa langit” (t.4). Saan mang bayan sila naroroon, pansamantala lamang ang kanilang paninirahan doon. Sila’y iniingatan ng kapangyarihan ng Diyos sa mga bayang ito habang naghihintay nila ang kaligtasan. Dahil sa panibagong buhay na ito, anuman ang sitwasyon sa gitna ng mapang-usig na lipunan, magpasalamat sila sa Diyos. Ikalawa, magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat TINANGGAP NATIN ANG KALIGTASAN NG BUHAY (t.6-9). Ang kaligtasan ng buhay ay bunga ng tapat na pananampalataya. Ang pananampalataya ay ipinadadaan sa mga pagsubok upang malaman kung ito’y talagang tapat. Katulad ng ginto na ipinadadaan sa apoy upang malaman kung ito ay pure gold o baka tanso lang na itinubog sa ginto. Kapag tapat ang pananampalataya, ang buhay ng mananampalatayang ito ay papupurihan, dadakilain at pararangalan (t.7). Ipinauunawa ni Pedro na pansamantala lamang ang mga pagsubok. Pinalalakas niya ang loob ng mga Cristiano na mananatili sa pananampalataya gaano man kabigat ang nararanasang mga pagsubok. Sa gayon, ang mananatili sa pananampalataya at masumpungang tapat ay tatanggap ng kaligtasan. Salamat sa tinanggap nating kaligtasan mula sa Diyos.


Paano nga ba isasabuhay ang awitin ng mga batang, “With Christ in my vessel I can smile at the storm,” kung ang panahon ngayon ay parang sobra-sobra pa sa bagyo ang nararanasan. Mahigit apat na milyon na ang infected ng COVID-19 virus sa buong mundo at mahigit sa 200,000 ang mga namatay dahil dito. Paano tayo makangingiti?

Ngiti na. Magpasalamat na sa Diyos. Sapagkat nalalaman natin ngayon, tayo ay may panibagong buhay na puno ng pag-asa sa Panginoon. Pansamantala lang ang lahat nang ito. Kaya manatili tayo sa pananampalataya sa kabila ng matinding pagsubok na ito. Sapagkat ang tapat na pananampalataya natin ay maglalagay sa puso natin ng katiyakan sa kaligtasan ng buhay.


Pastor Jhun Lopez



________________________________

Nakaraang blog: HINDI KAILANMAN MAIGAGAPOS

No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...