Search This Blog

Sunday, September 6, 2020

HINDI KAILANMAN MAIGAGAPOS

Basahin: 2 Timoteo 2:1-9 

Sa panahon ng Quarantine, napatunayan nating hindi nga maigagapos ang Salita ng Diyos. ‘Nakulong’ tayo sa ating tahanan. Natigil ang mga gawaing pananambahan at fellowship ng mga kapatiran. Pero ang pagdadala ng Magandang Balita ng Panginoong Jesus ay nagpatuloy sa pamamagitan ng kasalukuyang technology.

Ang ikalawang sulat ni Apostol Pablo kay Timoteo ay naisulat sa panahong nalalapit na ang hatol ng kamatayan para sa kanya. Sa kanyang pagkakakulong, kahit siya ay nakakadena at naka-house arrest, ang mga kaibigan niya ay nakadadalaw sa bahay, nakapagdadala ng tulong at ang mga sulat niya ay malayang naipadadala sa mga recipients nito tulad ng sulat niya sa Efeso, Filipos, Colosas at kay Filemon. Literal na hindi nagapos ang Magandang Balita kahit na siya ay nakabilanggo. Nagpatuloy ang paglaganap ng Magandang Balita. Ang paghubog niya sa mga alagad niya ay nagpatuloy sa pagsulat niya kina Timoteo at Tito. Ang paggabay niya sa mga iglesia ay hindi nahadlangan ng mga tanikala. Hindi nagapos ang Salita ng Diyos.

Hindi kailanman maigagapos ang Salita ng Diyos. Ito ang pahayag at personal na karanasan ni Apostol Pablo. Anu-ano ang mga bahagi natin ngayon sa hindi pagkakagapos ng Salita ng Diyos?

Una, ang Salita ng Diyos ay hindi maigagapos kaya PATULOY TAYO SA PAGTUTURO (t. 1-2). Katulad ng ating napag-aralan tungkol sa mga pakinabang ng pagbabasa ng Biblia (2 Timoteo 3:16-17), ang ikalawang sulat ni Pablo kay Timoteo ay nakasentro sa mga pagpapaalaala ng mga itinuro niya. Ang patuluyang pagkakatiwala ng Salita ng Diyos sa mga mapagkakatiwalaang magbabahagi rin sa iba ay napakahalaga sa hindi nagagapos na pagpapalaganap ng Magandang Balita. Nalalaman ni Pablo ang nalalapit niyang kamatayan. Hindi dapat matigil kay Timoteo ang mga katotohanang natutuhan nito. Patuloy sa pagtuturo.

Ikalawa, ang Salita ng Diyos ay hindi maigagapos kaya TULARAN NATIN ANG MGA HUWARAN (t. 3-7). Nagbigay si Pablo ng tatlong tauhan na dapat pagsikapang tularan; (1) Ang kawal na nagsisikap mabigyan ng kasiyahan ang kanyang pinuno, (2) Ang manlalarong naglalaro ayon sa tuntunin, at (3) Ang magsasakang nagtatrabahong mabuti. Ang mga katangiang ito ay mahahalagang sangkap sa buhay ng isang taong nagdadala ng Magandang Balita. Tulad ng kawal, mangaral na ang binibigyang lugod ay ang Panginoon. Tulad ng manlalaro, mangaral ayon sa alituntunin ng Panginoon. Tulad ng magsasaka, mangaral na may kasipagan na ang bunga ng pagpapagal ay una niyang natatanggap.

Ikatlo, ang Salita ng Diyos ay hindi maigagapos kaya ALALAHANIN ANG ATING IPINAPANGARAL (t. 8-9). Hindi maigagapos ang Salita ng Diyos sa katotohanang ang ipinapangaral na Magandang Balita nito ay ang pag-ibig at pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Jesu-Cristo. Hindi ang sarili ni Pablo ang kanyang ipinapangaral. Lalong hindi lamang ang kanyang relihiyon. Ang Panginoong muling binuhay ang laman ng kanyang ipinapangaral na Magandang Balita. Na ang pagkabuhay na muling ito ay mula sa paniniwalang ang Panginoong Jesus ay namatay sa krus, nalibing at muling nabuhay sa libingan. Kahit ito pa ang dahilan ng pagkakakulong, nagpatuloy si Pablo sa pagdadala ng mga katotohanan ng Biblia.


Sinabi ni Apostol Pablo kay Timoteo sa chapter 4:2, “Ipangaral mo ang salita ng Diyos; pagsikapan mong gawin iyan napapanahon man o hindi.” Ito ang disiplinang espirituwal na kailangang paghandaang mabuti subalit nangangailangan ng urgency. Hindi dapat maging hadlang ang anumang bagay para ito mapigilang isagawa ng sinumang alagad ni Cristo.


Pastor Jhun Lopez



____________________________________

Nakaraang blog: DALHIN NINYO NG BUONG-BUO

No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...