Search This Blog

Saturday, September 12, 2020

IHANDA ANG ISIPAN SA DAPAT GAWIN, MAGING IBA

BASAHIN: 1 Pedro 1:13-21 

Layunin ng Unang Sulat ni Pedro na palakasin ang loob at bigyan ng pag-asa ang mga mananampalatayang “nakikipamayan” sa mga probinsiya ng Asia Minor dahil sa matinding pagpapahirap (suffering) na kanilang nararanasan. Sila ay nasa ibang bayan. Ang pag-uusig ay kanilang nararanasan lalo na sa dala-dala nilang naiibang pananampalataya. Mahalagang sila ay manatili sa buhay na naayon sa nais ng Diyos. At ang pagsang-ayon sa takbo ng mundo ay kailangan nilang maiwasan. Ang “maging masunurin kay Jesu-Cristo” (t.2) ang layunin ng kanilang pagkakatawag. Ito ang inaasahan sa kanilang uri ng pamumuhay.

Ihanda ang isipan sa dapat nating gawin. Upang maging naiiba ang buhay natin sa magulong kalagayan ng mundo ngayon, tatlong pagkilos ang makikita natin sa sulat ni Apostol Pedro. Una, ihanda ang isipan sa mga dapat gawin, IPAMUHAY ANG KABANALAN (t.13-16). Sapagkat ang mga mananampalataya noon ay nakatira sa hindi nila bayan, at dahil maging sa bayan na iyon sila’y pansamantala lamang, direktahan silang sinabihan ni Pedro na sila ay magpakabanal (t.15-16). Ibig ssbihin nito ay “to be set apart.” Isang buhay na inilaan para sa isang tanging layunin. Ang buhay na banal ay mahinahon (t.13); mapagpigil, a man with sound mind at hindi nakokontrol ng damdamin. Ang buhay na banal ay hindi umaayon sa masasamang nasa (t.14); hindi compromiser, nagpapakita ng halimbawang tutularan ng iba. Ikalawa, ihanda ang isipan sa mga dapat gawin, IPAMUHAY ANG TAKOT SA DIYOS (t.17). Ito ang sabi sa English Standard Version, “And if you call on him as Father…” Siya ang Diyos Ama ng mga mananampalataya ni Jesus. Siya ay makapangyarihan pero maasahan nating patas (fair) Siya kung humatol. Dapat Siyang katakutan, hindi tulad ng takot sa tao, sa diyablo o maging sa kamatayan. Ang takot na ito ay pagbibigay ng pinakamataas na paggalang, pagsamba at pagluwalhati sa Diyos Amang makapangyarihan, na kung humatol ay matuwid at tapat. Ikatlo, ihanda ang isipan sa mga dapat gawin, IPAMUHAY ANG PANANAMPALATAYA SA DIYOS (t.18-21) Ipinaalaala ni Pedro sa mga Cristianong nagkalat sa iba’t ibang bayan na ang pananamapalataya nila ay nakasentro sa Panginoong Jesus. Ang dugo ng Panginoong Jesus ang tumubos sa kanilang walang kabuluhang buhay. Siya ay tulad ng korderong walang dungis na handog sa pagpapatawad sa kasalanan. Ang pananampalataya nila sa Diyos ay makikita sa buhay nilang puno ng pag-asa sa gagawin ng Diyos sa kanilang mga buhay sa gitna ng mga pagsubok na kanilang kinakaharap.

 

Ang kahandaan ng isip ay hindi magagawa ng mabilisan. Lahat ng paghahanda ay nangangailan ng panahon at maingat na pagsasagawa. Nang sa gayon, hindi man perpekto, mas matitiyak natin ang maayos na pagkakagawa nito. Ang kabanalan ng buhay ay magliliwanag sa maraming nadidiliman at magpapakita ng kaibahan natin sa mundo. Ang takot natin sa Diyos ay magiging dahilan upang ang mga tao ay magpasyang sambahin at paglingkuran ang Diyos na ating iginagalang at sinasamba. Ang pananampalataya natin sa Diyos ay maglalagay ng pag-asa sa ating mga puso  kahit na gaano pa kabigat ang mga panahong nararanasan natin ngayon. Sa ganitong kalagayan, ang buhay na naiiba (different) ay ating maipamumuhay.


Pastor Jhun Lopez



______________________________

Nakaraang blog: SA GITNA NG PAGSUBOK, MAGPASALAMAT

No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...