Search This Blog

Thursday, September 3, 2020

PAG-AAYUNO, OH NO?!

BASAHIN: Mateo 4:1-11

Sa Mateo 3:13-17, binautismuhan ni Juan ang Panginoong Jesus. Ang pagtukso ng diyablo sa Panginoong Jesus ay naganap pagkatapos ng bautismo Niya. Noo’y ipinahayag ng Diyos Ama, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!” Ang Espiritu ng Diyos na bumaba sa Kanya tulad ng isang kalapati ay Siya ring Espiritung nagdala sa Kanya sa ilang. Ang layunin, “upang tuksuhin ng diyablo” (Mateo 4:1). Nalalaman ng Panginoong Jesus ang magaganap sa ilang. Kaya pinaghandaan Niya ito sa pamamagitan ng 40 days and 40 nights fasting (4:2). Sa katotohanan, hindi ito isang pagpapalakas ng Kanyang sarili dahil Siya ay ang Makapangyarihang Anak ng Diyos. Mas makapangyarihan Siyang higit sa diyablong manunukso sa Kanya. Ang pag-aayuno Niya ay isang natural na pagkilos na noo’y haharap Siya sa Diyos para sa pagpapasimula ng Kanyang natatanging layunin.

Anu-ano ang mga panunuksong ginagawa ng diyablo? Isa-isahin natin.

Una, TUKSONG PAMPISIKAL. Ang panunukso ng diyablo, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, gawin mo ngang tinapay ang mga batong ito.” Ang layunin ng tuksong ito’y subukin ang pagtitiwala sa Diyos na Nagkakaloob at ituon sa makasanlibutang pamamaraan. Ito ang unang tinutukso sa atin, ang pisikal na pangangailangan. Sa tradisyon, ang basic needs ng isang tao ay pagkain, tahanan at damit. Idinagdag pa ng ilang ahensya ang sanitation, education, at healthcare. May nagsabi pa ngang pati ang wifi connection at gadgets ay kasama na sa basic needs. Ang tugon ng Panginoong Jesus, “Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.”

Ikalawa, TUKSONG MAPANDAYA. Matapos na hindi magtagumpay sa unang panunukso, sinabi ng diyablo, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat, ‘Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin…’” Ang quoted verse na ito ay mula sa Mga Awit 91:11-12 na maging sa panahong ito ng pandemic ay palagiang ginagamit. Totoo ang Kanyang sinasabi pero ito ay half-truth lang. Ang mananampalatayang sumusunod sa landas na nais ng Diyos ay aalalayan Niya. Pero kung lumabas na ito sa Kanyang kalooban, walang maaangking pangako ng pag-iingat. Tandaan natin, ang diyablo ay mapandaya. Mapanlinlang. Ang Salita ng Diyos ay kanyang idini-distort, itini-twist, sa tagalog ay binabaluktot. Gumagamit siya ng mga talata sa Biblia, hindi para mailapit tayo sa Diyos, kundi para mailigaw tayo, sa pamamagitan ng maling pagpapakahulugan nito. Ang layunin, ihulog ang tao sa pagsunod sa kanya sa halip na sa Diyos.

Ikatlo, TUKSONG MAGLALAYO SA DIYOS. Ang huling hirit ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin.” Dito ay para bang sinasabi niyang, sa kanya ang lahat ng bagay at kaya niyang ibigay ang mga ito sa Panginoong Jesus, basta sambahin lamang siya. Sa naunang dalawang panunukso, sinabi ng diyablo, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos.” Ito ang pilit niyang sinusubok. Sa huli, wala na ang pagtawag niyang ito. Ang layunin niya ay ilayo ang Panginoong Jesus sa katotohanan ng pagsamba at paglilingkod sa Diyos. Isang mapanlinlang na pananalita. Isinantabi na niya ang pagkilala sa Panginoong Jesus bilang Anak ng Diyos. Maisagawa lang niya ang panunukso. Hindi tulad sa dalawang nauna, ang sagot ng Panginoong Jesus ngayon ay nasa tono ng pagsaway at pagtutuwid na may autoridad, sa pagsasabi Niyang, “Lumayas ka Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin. At siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’


Ang mga tukso ay napagtagumpayan ng Panginoong Jesus, na atin namang inaasahan sa Kanya bilang Anak ng Diyos. Siya ay nag-ayuno bago dumating ang mga tuksong inaasahan. Iyon ay 40days and 40nights fasting. Ayon kay Adam Clarke, nagawa nina Moises, Elias at ng Panginoong Jesus ang ganitong katagal na fasting, because they were in communion with God, and living a heavenly life. Ang pag-aayuno ay natural na gawain ng isang taong umuugnay sa Diyos at namumuhay na matuwid. Gaano man kahaba at katagal ang fasting, ang mahalagang pagtuunan natin dito ay ang katotohanang nag-ayuno ang Panginoong Jesus bago Niya nakaharap ang tukso ng diyablo at bago Niya pinasimulan ang paglilingkod.

Sa buod na pagpapakahulugan mula sa I-CLASS 201 ng IEMELIF, ang pag-aayuno ay hindi pagkain sa isang itinakdang oras o araw na ang sarili ay nakaugnay sa pananalangin, pagsisisi at paghahanda sa ministeryo. Ito ay kapahayagan ng pagtitiwala sa Diyos at pagpapailalim sa Kanyang kalooban. Ang tagal ng oras o bilang ng araw ay nakadepende sa itinakda ng nag-aayuno. Maaaring ito ay full fasting o walang anumang pagkain at partial fasting na naglilimita lamang ng kakainin.

Ang tanong, dapat ba tayong mag-ayuno? Bilang isa sa mga pansariling disiplinang espirituwal, dapat lang. Sa pagpapakahulugan nito, dapat lang. Sa mga layunin at dahilan nito, dapat lang. Sa mga halimbawa ng mga pangunahing tauhan sa Biblia, dapat lang. Bilang pagtulad sa ginawa ng Panginoong Jesus, dapat na dapat lang! Kaya nating gawin ito, ayon sa kakayahan ng ating pisikal na katawan at ayon sa kalagayang espirituwal ng bawat isa sa atin.


Pastor Jhun Lopez



_______________________________

Nakaraang blog: KAPAKI-PAKINABANG


No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...