Search This Blog

Saturday, July 25, 2020

KAPAKI-PAKINABANG

Ang isa sa mga pansariling disiplinang espirituwal na dapat nating pagbutihin ay ang pagbabasa ng Biblia. Higit pa sa pagbabasa ay ang pagbubulay-bulay nito (Devotion). Maraming paraan sa pagbasa ng Biblia. Kasama rito ang pakikinig natin ng Sermon tuwing Linggo, pagdalo sa mga Bible Studies at maging sa simpleng pakikinig sa radio at TV. Isa sa dapat nating matutuhan ay ang malalim na pakikinig, hindi lamang ng pisikal na tainga, kundi pakikinig ng ating espiritu sa sinasabi ng Banal na Kasulatan. Ayon sa Wesley Commentary, “The Spirit of God… continually inspires, supernaturally assists, those that read it (the Holy Scripture) with earnest prayer.”


Si Timoteo ay kamanggagawa ni Apostol Pablo. Higit pa roon, si Timoteo ay “anak sa pananampalataya” at kinikilalang inakay ni Pablo sa pagiging alagad. Si Pablo ang nagtalaga sa kanya sa ministeryo nang ipatong sa kanya ang mga kamay nito (1:6). Sa ilang bahagi ng sulat, binibigyang-diin niya ang pagpapahalaga sa mga naituro niya kay Timoteo. Ang mga atas ni Pablo sa kanya, sa chapter 1:16, “Gawin mong batayan ang mabubuting aral na itinuro ko sa iyo,” sa chapter 2:2, “Ang mga narinig mo sa akin sa harap ng maraming saksi ay ipagkatiwala mo rin sa mga taong may katapatan at may kakayahang magturo naman sa iba,” sa chapter 3:10 “sinunod mo ang aking itinuro sa iyo, ang aking ugali at layunin sa buhay,” at sa chapter 4:2, sinabi niya, Himukin mo at pagsabihan ang mga tao, at palakasin ang kanilang loob sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo” (4:2).


Mahalaga na ang Banal na Kasulatan ay naituturo sa isang Cristianong naglalakbay sa pagiging alagad na gumagawa ng mga alagad. Kaya ang tanong, ano nga ba ang kahalagahang matutuhan natin ang Magandang Balitang itinuro ni Apostol Pablo kay Timoteo?

Una, ang Banal na Kasulatan ay MAY KAPANGYARIHANG MAGBIGAY NG KARUNUNGAN (t. 14-15). Ipinayo ni Pablo kay Timoteo, “magpatuloy ka sa mga aral na natutunan mo at matibay mong pinaniwalaan.” Ang tinutukoy niya ay ang mga itinuro niya tungkol sa Magandang Balita ng Panginoong Jesu-Cristo. Sapagkat ang karunungang bigay ng Banal na Kasulatan ay karunungan tungo sa kaligtasan. Higit pa sa karunungan ng sanlibutan ang kaalamang ito ni Timoteo, na ang kaligtasan ay makakamtan lamang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. Kailangang magpatuloy si Timoteo sa mga aral na tinanggap niya, sapagkat ito lamang ang may kapangyarihang magbigay ng karunungan tungo sa ikaliligtas ng bawat tao.

Ikalawa, ang Banal na Kasulatan ay KAPAKI-PAKINABANG (t. 16)  Ang kinasahing kasulatan  (God-breath, hiningahan ng Diyos) ay tumutukoy sa nabanggit na ni Pablo sa talatang 15 – ang Banal na Kasulatan. Sa kabila na noon ay wala pa ang Bagong Tipan, sa mga pagsasaliksik at paghahanda nito, sa panahon natin, ang tinutukoy na Banal na Kasulatan ay ang kabuuan ng Biblia: ang Luma at ang Bagong Tipan. Ano nga ba ang pakinabang natin kapag tayo ay nagpaturo sa mga aral ng Biblia?

(1)    PAGTUTURO NG KATOTOHANAN. Pakinabang sa atin ang magbasa ng Biblia sapagkat sa pamamagitan nito ay nauunawaan natin ang kalooban ng Diyos. Ito ang aakay sa atin sa mga katotohanan tungkol sa Panginoong Jesus nang sa gayon ay hindi tayo maligaw.

(2)    PAGSAWAY SA KAMALIAN. Ang pakinabang na ito ay nagagamit kapag nais nating maipaunawa sa tao na ang kanyang ginagawa ay mali. Ito rin ang nakatutulong upang maakay natin sila sa tamang direksyon tungo sa kanilang ikaliligtas.

(3)    PAGTUTUWID SA LIKONG GAWAIN. Sabi ni Adam Clarke, “For restoring things to their proper uses and places, correcting false notions and mistaken views.” Naibabalik ang isang tao sa tamang landas, tamang pananaw at tamang pagkilos sa pamamagitan ng Biblia.

(4)    PAGSASANAY PARA SA MATUWID NA PAMUMUHAY. Ang Biblia ay isang kakaiba at makapangyarihang Textbook para sa buhay ng mga tao. Para kay Pablo, sapagkat ang mga huling araw ng buhay niya ay nalalapit na at ang mga huling araw ay magdudulot ng kaguluhan (3:1), ang matuwid at lumalagong buhay ng isang alagad ay kailangang-kailangan. Ang pagsasanay sa katuwiran at kabanalan ay magagawa lamang sa tulong ng Biblia.

 

o   Kapag nagbasa: SAGUTIN ANG TATLONG TANONG NA ITO,

1.       Ano ang sinasabi ng mga talata tungkol sa Diyos?

2.       Ano ang sinasabi ng mga talata tungkol sa pamumuhay Cristiano?

3.       Ano ang sinasabi ng mga talata tungkol sa iyo? (gagawin mo o ipinagagawa sa iyo)

 

______________________

Ang Biblia ay may kapangyarihang magbigay ng karunugan tungo sa ikaliligtas ng tao. Ang Biblia ay kapaki-pakinabang. Para saan? Sabi ni Pablo sa talatang 17, “Upang ang lingkod ng Diyos ay maging ganap at handa sa lahat ng mabubuting gawain.” Ang Biblia ay gabay natin sa pagiging ganap. Ang kaganapan o Christian maturity ay hindi natin mararating overnight.


Tamang tayo ay nananalangin. Tamang tayo ay dumadalo sa mga pagtitipon. Tamang tayo ay nagkakaloob sa gawain ng Iglesia. Tamang tayo ay nagdadala ng mga tao sa pagkakilala kay Cristo. Subalit tandaan natin, ang ating sandata at kagamitan sa paglalakbay sa ating pagtupad sa misyon ng Diyos ay ang Biblia. Kasabay ng ating lumalalim na buhay na nakaugnay sa Diyos, ang lumalagong uri ng buhay na nakikita sa ating mabubuting paggawa ay nagaganap dahil sa patuloy nating pagtanggap ng mga turo ng Banal na Kasulatan.



Pastor Jhun Lopez


_______________________________
Nakaraang blog: GANITO KAYO MANANALANGIN

No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...