Search This Blog

Friday, September 4, 2020

MALAPIT NA ANG ARAW NG PANGINOON

BASAHIN: Hebreo 10:19-25

Ang sulat sa mga Hebreo ay kinikilala ng mga Bible Scholars na isang masterpiece. Kinikilala rin itong “the most important and useful of all the apostolic writings.”[i] Traditionally, si Apostol Pablo ang recognized writer nito. Layunin ng manunulat na maitanghal sa mga Cristianong Judio ang “excellent supremacy[ii] ng Panginoong Jesus (Basahin ang Hebreo 1:4-9.) Siya ay higit kaysa mga anghel (t.4). Inatasan ng Diyos ang mga anghel na ang Anak ay sambahin (t.6). At sa pagsasalita ng Diyos Ama, inihayag Niya ang katotohanan ng pagka-Diyos ni Jesus sa pagsasabing, “Ang iyong trono, O Diyos ay magpakailan pa man” (t.8). Sila ay hinihimok na mag-persevere at maging matibay laban sa pagtalikod sa pananampalataya (apostacy). Ang mga mananampalatayang dumadaan sa mga pagsubok ay maaaring maging dahilan ng pagtalikod.

Sabi ng manunulat, “nakikita nating malapit na ang Araw ng Panginoon.” Ang Araw na ito ay maaaring ang nalalapit na araw ng kamatayan. O ang Araw ng paghuhukom sa harapan ng Panginoong Jesus. Ito rin ay maaaring tumutukoy sa araw ng pagkawasak ng Jerusalem. Malapit na ang Araw ng Panginoon. Sa alinmang Araw ito, ito ay kailangang paghandaan ng mga mananampalataya.

Ano ang dapat nating ginagawa sa katotohanang ito?

Una, malapit na ang Araw ng Panginoon, LUMAPIT TAYO SA DIYOS (t.22). Malaya na tayong makalalapit sa Dakong Kabanal-banalan. Ang Panginoong Jesus ang Pinakapunong Pari na Siyang nag-alay ng Kanyang dugo at nag-alis ng tabing sa paglapit natin sa Diyos. Lumapit tayong “may pusong tapat at may matibay na pananampalataya.” Lumapit tayong “may malinis na budhi.

Ikalawa, malapit na ang Araw ng Panginoon, MAGPAKATATAG TAYO (t.23). Ang isa sa mga maaaring magpabagsak sa ating pananampalataya ay ang kawalan ng pag-asa. Pag-aalinlangan. Kaya nga, ipinauunawa ng manunulat na manatili sila sa Panginoon sapagkat tapat ang Diyos sa Kanyang mga pangako. Tiyak tayong magaganap ang lahat ng Kanyang mga pangako.

Ikatlo, malapit na ang Araw ng Panginoon, GISINGIN ANG DAMDAMIN (t.24). Habang sila ay matiyagang naghihintay, maaaring ang panlalamig sa buhay Cristiano ay kanila nang nararanasan. Natutulog na. Kaya kailangan na nila itong gisingin. Saan? Gisingin sa pagmamahal sa kapwa at paggawa ng mabuti. Ang mahigpit na sitwasyon ng mga mananampalataya noon ay maaaring makaapekto sa kanilang pakikitungo sa mga kapatiran at sa kanilang mga komunidad na kinaroroonan. Kailangan nilang manatiling nagliliwanag sa kanilang mabuting paggawa.

Ikaapat, malapit na ang Araw ng Panginoon, ALALAHANIN ANG PAGTITIPON (t.25). Ang mga pagsubok sa mga Cristianong Judio sa panahong iyon ay napakahirap. Isa sa mga maaaring nane-neglect na nila ay ang padalo sa mga pagtitipon. Ang pagtitipon ay lugar upang sila ay makapagpalakasan. Sabi nga sa Kawikaan 27:17, “Bakal ang nagpapatalim sa kapwa bakal.” Ginagamit ng Diyos ang mga pagtitipon upang ang mga anak Niya ay makasumpong ng kanilang ikalalakas at sila’y makabangon mula sa mga kabigatang pinagdaraanan dahil sa encouragement at tulong na maaaring maibigay ng isang kapatiran.


Pastor Jhun Lopez



______________________________

Nakaraang blog: PAG-AAYUNO, OH NO?!

 


[i] Adam Clarke commentary

[ii] John Gil Commentary

No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...