Search This Blog

Sunday, September 13, 2020

NARANASAN NA NINYO ANG KABUTIHAN NG PANGINOON

BASAHIN: 1 Pedro 2:1-10 

Isa sa mahirap gawin ay ang maging kalakasan para sa iba, lalo na kung ang pinalalakas natin ay nakalugmok na sa pagsubok na pasan-pasan. Ganito ang maaaring sitwasyon ng mga Cristiano noon na nagkalat sa iba’t ibang bayan. Kaya nga, ang sulat ni Pedro ay napapanahon upang magbigay ng kalakasan at mapatibay ang kanilang pagtitiwala at pag-asa sa Diyos. Muli, alam natin ang kanilang nararanasan, bilang mga tinawag ng Diyos, ay paraan upang sila ay “maging masunurin kay Jesu-Cristo.

Sa unang lesson natin sa 1 Pedro, natutuhan nating dapat ipagpasalamat ng mga Cristianong sinusulatan ni Pedro ang panibagong buhay bigay ng Diyos at ang tinanggap nilang kaligtasan ng buhay. Naranasan na nila ang kabutihan ng Diyos. Ano ang gagawin nila ngayon?

Una, ang nakaranas ng kabutihan ng Diyos, TUMATALIKOD SA LAHAT NG KASAMAAN (t.1-3). Ang mga Cristianong sinusulatan ni Pedro ay may tapat, maalab at taos pusong pagmamahalan sa isa’t isa (basahin ang 1:22). Hindi ito magiging consistent sa kasamaan. Kaya, dapat nilang talikuran ang kasamaan at hindi na muling lingunin, limutin at huwag nang alalahanin, hubarin tulad ng isang lumang damit at hindi na muling gamitin. Talikuran “ang lahat ng kasamaan, ang lahat ng pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit at paninirang-puri” (maaaring ipaliwanag ng magulang). At sa kanilang pagtalikod, sila’y “manabik sa dalisay na gatas na espirituwal upang lumago… tungo sa kaligtasan” (t.2).

Ikalawa, ang nakaranas ng kabutihan ng Diyos, LUMALAPIT SA BATONG BUHAY NG DIYOS (t.4-8). Ang Panginoong Jesus ang batong buhay. Siya ay itinakwil ng mga Judio, subalit pinili ng Diyos upang maging tagapagligtas ng sanlibutan at magtatag ng Kanyang Iglesia. Siya ay mahalaga sa paningin ng Diyos. Precious and honourable. Dahil ang Batong Buhay na ito ay Siya ring Punong Batong Panulok (Chief Cornerstone) na nagpapatatag sa gusali. Siya ang Ulo na nangunguna sa buong katawan. Kaya nga, dahil naranasan ng mga Cristiano ang kabutihan ng Diyos, marapat lamang na sila ay patuloy na lumapit sa Batong Buhay ng Diyos. At sila ay mag-alay sa Diyos ng mga handog na espirituwal na kalugud-lugod sa Diyos sa pamamagitan ng Panginoong Jesu-Cristo (t.5).

Ikatlo, ang nakaranas ng kabutihan ng Diyos, IPINAPAHAYAG ANG KAHANGA-HANGANG GAWA NG DIYOS (t.9-10). Pinalalakas ni Pedro ang kalooban ng mga Cristiano sa kanilang pamamahayag ng Magandang Balita. Dahil sa tindi ng hirap (sufferings) na nararanasan nila, maaaring nagpahinga na sila sa pangangaral, kung di man tumigil. Ipinaalaala niya kung sino sila sa Diyos. Na sila ay “isang lahing pinili, mga maharlikang pari, isang bansang hinirang, bayang pag-aari ng Diyos” at tinawag sila ng Diyos “mula sa kadiliman patungo sa kanyang kahanga-hangang kaliwanagan” (t.9). Sila ay bayan ng Diyos na nakatanggap ng habag ng Diyos (t.10) Ang lahat nang ito ay nagaganap sa buhay ng isang mananampalataya dahil sa pagpili, paghirang at pagtawag ng Diyos sa kanya. Ang mga ito ang kanilang ipahahayag sa mga tao – ang kahanga-hangang gawa ng Diyos.


Nararanasan na natin ang kabutihan ng Diyos bago pa man tayo manampalataya. Ang naunang pagkilos ng Kanyang pag-ibig sa atin ay naroroon na upang i-convict tayo sa pagsampalataya sa Kanya at pagsisihan ang ating mga kasalanan. Nang tumugon tayo sa tawag Niya sa atin, ang kabutihan Niya ay higit pa nating naranasan. Tinanggap natin ang kapatawaran ng kasalanan, ang kaligtasan ng ating kaluluwa, at ang buhay na walang hanggan. At magpahanggang ngayon, ang kabutihan ng Diyos ay patuloy nating nararanasan.

Sa mahigpit na kalagayan ng ating panahon, ang kabutihan ng Diyos ay patuloy nating nararanasan. Ang kabutihan Niya ay palagian. Ito ang isinisigaw natin, “God is good, all the time!” Bilang isang pamilyang Cristianong tumutugon sa kabutihan ng Diyos, sama-sama tayo sa paglalakbay. Sama-sama tayo sa pagtalikod sa kasamaan. Alalayan natin ang isa’t isa lalo na kung may isa na pala sa atin ay nahuhulog na sa tukso ng diyablo. Sama-sama tayo sa paglapit sa Panginoong Jesus. Ang paghubog sa atin bilang mga alagad ay maganap sa bawat miembro ng pamilya. Sama-sama tayo sa pagpapahayag ng Magandang Balita. Alamin natin ang mga pamamaraan sa pamamahayag at idalangin ang mga taong pagdadalhan nito.

Naranasan na natin ang kabutihan ng Diyos! Purihin ang Diyos!


Pastor Jhun Lopez



________________________________

Nakaraang blog: SA GITNA NG PAGSUBOK, MAGPASALAMAT

No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...