Search This Blog

Saturday, September 5, 2020

DALHIN NINYO NG BUONG-BUO

Basahin: Malakias 3:8-12

Ang Diyos ang pangunahing huwaran natin sa pagbibigay. Ito ay ipinakita Niya nang ibigay Niya ang Kanyang bugtong na Anak – ang Panginoong Jesu-Cristo (I-recite ng pamilya ang Juan 3:16). Ang iglesia sa Macedonia ay huwaran sa pagtulong sa isang Iglesiang noon ay nangangailangan (basahin ang 2 Corinto 8:1-5). Ang pagbibigay ay isang disiplinang kailangang sanayin sa buhay ng isang mananampalataya. Madalas nating naririnig ang mga salitang, “siksik, liglig, umaapaw. Ito ay pagtukoy sa sinabi ng Panginoong Jesus sa Lucas 6:38, na “ang pagbibigay ay nagbabalik ng papapala” (I-CLASS 201, IEMELIF). Ang pagbibigay na binabanggit sa talata ay hindi lang basta-basta pagbibigay. Ito ay pagbibigay sa kapwa maging sa mga kaaway na dapat lang na minamahal at tinutulungan.

Maliban pa sa paghahandog at pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan, isa sa mga bahagi ng disiplinang espirituwal sa pagbibigay ay ang pagdadala ng ating mga ikapu – ang 10 % o ikasampung bahagi (tithes). Ang pangalang Malakias ay may kahulugang “My Messenger.”  Dala-dala ng Propeta ang mensaheng tawagin ang pansin ng mga saserdote at ng bayang Israel na pag-alabin ang kanilang katapatan sa Diyos na noon ay hayag ang kabulukan at panghihina sa kanilang uri ng pamumuhay at pagsamba. Isa na rito ang pagdadala ng kanilang ikapu.

Bakit nga ba nararapat dalhin ang ating mga ikapu? Una, ang pagdadala ng ikapu ay TANDA NG KATAPATAN SA DIYOS (t. 8-9). Ang bayang Israel ay nagnanakaw sa Diyos sa dahilang hindi nila dinadala ang kanilang ikapu. Ang di nila pagdadala nito ay pagpapakita ng kawalan ng katapatan sa Diyos. Ikalawa, ang pagdadala ng ikapu ay TUGON SA PANGANGAILANGAN (t. 10a). Ang layunin ng ikapu, “upang matugunan ang pangangailangan sa aking tahanan.” Ang kabuhayan at mga pangangailangan ng mga Levita, ang lahing pinagmumulan ng mga saserdote at mga tagapaglingkod sa templo, ay nakasalalay sa mga ikapu at handog ng bayang Israel. Ikatlo, ang pagdadala ng ikapu ay TAMANG PRINSIPYO SA PAGPAPALA (t. 10b-11). Nais ng bayang Israel na sila ay pagpalain ng Diyos. Ang tamang prinsipyo, subukin nating maging tapat sa ikapu at bubuksan ng Diyos ang mga bintana ng langit at ibubuhos sa atin ang masaganang pagpapala. Hindi, “Panginoon, pagpapalain N’yo po ako para makapag-ikapu ako.” Habang maliit ang iikapuan, ibigay na. Pagpapala ang pangako ng Diyos. (Basahin ang t. 11). Ikaapat, ang pagdadala ng ikapu ay TUTULARAN NG IBA (t. 12). Ito ang sasabihin ng ibang bansa sa bayang tapat sa pagdadala ng ikapu, “Kayo’y mapalad. Napakainam manirahan sa inyong lupain.” Sa halimbawang ito, aakay sila sa iba na maging tapat din sa Panginoong Diyos.


Ang pagdadala ng ikapu at pagbibigay ng mga handog ay isa sa mga disiplinang espirituwal na dapat pa nating pagbutihin. Sa isang bagong mananampalataya, maaaring maging mahirap itong isagawa nang mabilisan. Lalong higit na mahirap itong gawin ng mga matatagal na sa church at nasanay sa buhay na hindi nag-iikapu. Pagtuunan natin hindi ang bigat ng gagawing pag-iikapu kundi ang mga dahilan nitong magpapagaan at magdadala ng pagpapala sa ating mga buhay. Bilang isang pamilyang naglalakbay sa pagiging alagad na gumagawa ng mga alagad, magsikap tayong maging tapat sa pagdadala ng ikapu at pagbibigay ng mga handog.


Pastor Jhun Lopez



______________________________

Nakraang blog:MALAPIT NA ANG ARAW NG PANGINOON 

No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...