Search This Blog

Wednesday, July 22, 2020

PANANALIG KAY CRISTO

Ang pananalig sa Panginoong Jesus ay hindi isang simpleng pagsasabi ng panalanging, “Panginoon, nananalig po ako.” Marami sa panahon ni Apostol Pablo ang nagsasabi nito at hinihigitan pa ng mga ritual para lamang masabing sila ay nasa tamang pananalig. Hindi tayo naging Cristiano dahil lamang sa isang seremonya tulad ng pagbibinyag o bautismo. Lalong hindi tayo naging mga mananampalataya ni Cristo sa dahilang kaanib tayo ng isang Cristianong iglesia. Unawain pa natin ang pananalig sa Panginoong Jesu-Cristo.


Ang kabanatang 3 ng sulat ni Pablo para sa Iglesia sa Filipos ay pinasimulan niya sa pagsasabing, “Magalak kayo sa Panginoon.” Mula sa pagtalakay niya tungkol sa pagkakaroon ng kaisipang tulad ni Cristo at sa pamumuhay ng mga mananampalataya bilang mga ulirang anak ng Diyos, ipinaunawa niyang lahat ng isinusulat niya ay para sa kapakanan ng mga kapatiran sa Filipos.


Sa batayang talata natin, bilang mga taong nananalig kay Cristo, dalawang bagay ang dapat nating pinagsisikapan. Una, ang nananalig kay Cristo ay nagsisikap sa LUBUSANG PAKIKIPAG-ISA KAY CRISTO (t.9a). Ang pagiging matuwid ay sa pamamagitan lamang ng pananalig kay Cristo. Ito ay hindi sa pamamagitan ng mga rituwal na binanggit niyang ginagawa ng mga “asal aso.” Ang tinutukoy niya ay ang mga Judaizers na pilit na nagtuturo sa mga Hentil na kailangan ang mga Jewish customs para sa kanilang ikaliligtas. Si Pablo ay lumaki sa ganoong aral (t.4-6). Subalit ipinuunawa niya sa mga taga-Filipos na ang lahat ng kanyang natutuhang ritual at mga seremonya ay pawang walang kabuluhan kung ang pag-uusapan ay pagiging matuwid sa harap ng Panginoon. Ang pakikipagkaisa sa Panginoong Jesus ay buung-buong pagyakap sa Kanya na ang layunin sa bawat pagkilos ay ang makamtan Siya. Sapagkat para kay Pablo, ang pakikipagkaisa kay Cristo ang nagdadala sa kanya sa pagiging isang bagong nilalang (basahin ang 2 Corinto 5:17). Ikalawa, ang nananalig kay Cristo ay nagsisikap sa LUBUSANG PAGKAKILALA KAY CRISTO (t.10). Para kay Pablo, higit na mahalaga ang makilala si Cristo kaysa mga bagay na pinahahalagahan niya sa buhay (t. 8). Ang nananalig kay Cristo ay matuwid at ang tanging hangarin ay makilala si Cristo – ang Matuwid. Ang kapangyarihan ng muling pagkabuhay ni Cristo ay nararanasan ng kumikilala kay Cristo. Nakikibahagi siya sa mga paghihirap ni Cristo. Siya ay nagsasabing, “Ako'y kasama ni Cristo na ipinako sa krus” (Galacia 2:19b). At umaasang bubuhaying muli mula sa kamatayan ayon sa ipinangako ng Panginoong Jesu-Cristo (t.10-11). Ang nananalig kay Cristo ay nagsisikap sa patuluyang pagkakilala kung sino ang Panginoong kanyang sinasampalatayanan.


        Si Pablo ay nananalig kay Cristo. Sinisikap niya ang lubos na pakikipagkaisa at pagkakilala kay Cristo. Ang mga nakaraang nakamtan niya ay walang kabuluhan. Nililimot na niya. Ito ang kanyang pinagtutuunan, “Sinisikap kong makamtan ang gantimpala sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako'y tinawag ni Cristo Jesus” (t.12). Sinabi pa niya sa talatang 14, “Nagpupunyagi ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na nasa langit.


Nananalig tayo sa Panginoong Jesu-Cristo. Patuloy tayong mamuhay na ang nakikita sa ating mga gawa at naririnig sa ating mga sinasalit ay ang buhay ng Panginoong Jesus. Bilang isang pamilyang alagad ni Cristo, patuloy tayong maglakbay sa pagkilala sa Kanya hanggang malubos natin ito sa piling ng Kanyang kaluwalhatian, “ang buhay na nasa langit.



Pastor Jhun Lopez


______________________________

No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...