Search This Blog

Thursday, July 23, 2020

PAGKILALA SA LAHAT NG MGA KALOOB

Sa kagalakan nakasentro ang sulat ni Pablo sa mga mananampalataya sa Filipos. Para sa kanya, ang mga taga-Filipos ay “kagalakan at karangalan” niya (4:1). Kasunod nito ang tagubiling magkasundo na ang dalawang ‘diakonesang,’ sina Euodia at Sintique (t. 2-3). At sa talatang 4 ay inulit-ulit niya ang hamong “Magalak kayo!” Sa kagalakang ito, nais niyang magkaroon ng kapayapaan ang mga kapatiran sa pamamagitan ng kanilang panalanging may pasasalamat (t.6-7) at sa pag-iisip ng mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri (t.8-9). Sa talatang 10-20, nagwakas si Pablo sa pagsasabing, “Ang liham na ito ang pagkilala sa lahat ng mga kaloob ninyo sa akin” (t.18).”


Si Apostol Pablo ay kasalukuyang nakakulong. Hindi dahil sa ginawa niyang kasalanan kundi dahil sa pagiging mangangaral niya ng Magandang Balita ng Panginoong Jesus. Marahil ay masasabi nating “it’s ufair” para kay Pablo. Ngunit sa kabila ng unfairness, pinalakas niya ang loob ng iglesia sa Filipos sa pagsasabing, “Ang lahat ng ito'y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo.” Labis ang kagalakan niya siya sa pagmamalasakit ng mga kapatiran (t.10). Pero sinasabi niya sa kanila, mabusog o magutom, managana o maghirap, “natutunan ko na ang sikreto kung paano masiyahan sa anumang kalagayan sa buhay” (t.11-12). Kagalakan ang dulot ng tulong ng mga taga-Filipos, pero sinasabi niya sa bahaging ito, may dumating mang tulong o wala, magagawa niyang magalak sa kahit anumang sitwasyon.


Paano kinilala ni Apostol Pablo ang tulong ng Iglesias a Filipos?

Una, ANG KANILANG PAGTULONG AY TUGON SA NANGANGAILANGANG LINGKOD NG DIYOS (t. 14-17). Si Pablo ay nakakulong sa Roma. May pribilehiyo siya sa pagkain at pananamit bilang Roman Citizen pero mas iniasa niya ang mga pangangailangan niya sa tulong ng mga kapatiran. Ayon na rin sa kanya, ikinagagalak niya ang “pagdamay sa kanyang paghihirap.” Kinilala niyang tugon sa pangangailangan niya, bilang mangangaral ng Magandang Balita, ang mga tulong na ibinigay ng Iglesia sa Filipos. Ang tulong na tinanggap niya ay hindi lang minsanan. Paulit-ulit silang nagkaloob sa nangangailangang lingkod ng Diyos. Kaya naman, ang nais ni Pablo para sa kanila, “makatanggap kayo ng masaganang gantimpala.

Ikalawa, ANG KANILANG PAGTULONG AY MABANGONG HANDOG SA DIYOS (t. 18-20). Sa pagkilala ni Pablo sa kanilang tulong, sinasabi niyang ang tulong nila sa lingkod ng Diyos ay mabangong handog sa Diyos. Para kay Pablo, ito ay mabangong mabango sa kanya dahil ang tulong nila ay higit pa sa pangangailangan niya. Sobra-sobra. Umaapaw. Pero ipinauunawa niyang sa kanilang kaloob, ang tumatanggap at higit na nalulugod ay ang Diyos. Nang sabihin niyang, “At buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus,” ito ay gantimpala sa matapat at bukas na mga pusong tumugon sa pangangailangan ng isang lingkod ng Diyos. Sapagkat pinagpapala ng Diyos mula sa hindi nauubos Niyang kayamanan ang mga mananampalatayang tumutugon sa pangangailangan ng Kanyang mga lingkod.


Tayo ay nakakulong din. Hindi dahil may kasalanan tayo kundi dahil sa COVID-19 virus. Mahirap din ang ating sitwasyon. May ayuda ang gobyerno. May ginagawang relief operation ang church. Pero nananatili ang pangangailangan. Katulad ni Pablo, sa nakaraang mga linggo, sinanay na tayo ng Diyos upang matuto tayong masiyahan anuman ang ating kalagayan. Hindi tayo pinagkulang ng Diyos. Hindi tayo iniwanan ni pinabayaan ng Diyos.


Kaya nga, may ayuda o wala, may relief goods o wala, nalalaman nating magagawa natin ang kagalakan sa puso dahil sa lakas na kaloob ng Panginoong Jesu-Cristo.


Sa nararanasan nating hamon ng buhay ngayon, marami tayong natutuhan (maaaring sumagot ang pamilya). Pero higit pa sa mga tulong ay ang kagalakan ng buhay Cristiano. Sa paulit-ulit na encouragement ni Pablo sa mga taga-Filipos, pinalalakas din tayo ng Diyos ngayon, “Magalak kayo!” Higit sa malayang pamumuhay, higit pa sa masaganang hapag kainan, higit sa dami ng perang hawak natin, higit sa mga tulong na natatanggap natin, higit sa anupaman, ang kagalakan ng ating mga puso at kapayapaan ng ating mga isipan ay sa Panginoong Jesus nakasalalay. Kung paanong sinabi ni Pablo, sabihin din natin, “Ang lahat ng ito'y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo.


Magpatuloy tayo sa paghahandog sa mga gawain ng Iglesia upang matugunan ang mga pangangailangan nito. Magpatuloy tayo sa pag-abot ng tulong sa mga lingkod ng Diyos para sa ikagagalak ng kanilang puso at lalong higit, para sa ikalulugod ng ating Diyos. Alalahanin nating ang ating pagtulong sa mga lingkod ng Diyos ay “mabangong handog sa Diyos.



Pastor Jhun Lopez


__________________________
Nakaraang blog: PANANALIG KAY CRISTO

No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...