Search This Blog

Sunday, July 5, 2020

MGA ULIRANG ANAK NG DIYOS

Ang buhay natin ay may layunin. Hindi tayo aksidenteng iniluwal sa mundong ito. Nilikha ng Diyos ang tao upang makapiling Niya. Ngunit dahil sa kasalanan ay nalayo ang tao. Pero ang mga taong mananalig sa Panginoong Jesus ay binibigyan ng karapatang maging anak ng Diyos. Naibabalik sa piling ng Diyos ang mga sumasampalataya sa Kanya at tapat na nagsisisi sa kasalanan. Gayunpaman, may layunin pa rin ang Diyos sa bawat napapabilang sa Kanyang mga anak. Nais Niyang tayo ay maging mga ulirang anak ng Diyos. Ibig sabihin, mga anak na ehemplo, modelo, huwaran, halimbawa, pamantayan at karapat-dapat tularan.”


Matapos ang hamong, “Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus” (2:5), dinala ni Apostol Pablo ang mga mananampalataya sa Filipos sa isang panibagong hamon. Ang hamon, “kayo’y maging mga ulirang anak ng Diyos” (t.15). Hindi ito isang utos o kaya’y pakiusap kundi isang pagpapahayag ng resulta sa buhay ng mga nananalig sa Panginoong Jesus. Na kung ang isang Cristiano ay magsisikap na tumulad sa kaisipang tulad ng kay Cristo Jesus, ang buhay niya ay magsisilbing mabuting halimbawa, huwaran at karapat-dapat lamang na tularan. Ang buhay niya bilang anak ng Diyos ay uliran.


Saan ba dapat maging uliran ang mga anak ng Diyos?

Una, ULIRAN SA PAGSUNOD (t. 12-13). Ang pagsunod ng mga mananampalataya sa Filipos ay buong puso. Pero ang hamon ni Pablo, sapagkat nakakulong siya at hindi nila siya kasama, “lalo kayong maging masunurin.” Patuluyang pagsunod naman ang tinutukoy niya nang sabihin niyang, “Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan.” Ang pagsusumikap na ito ay nasa diwa pa rin ng malalim nilang pagsunod. Hindi bilang kabayaran ng kanilang ikaliligtas. Kundi upang maipakita nila ang lubos na paggalang at pag-ibig sa Diyos dahil sa kanilang pagsunod.

Ikalawa, ULIRAN SA PAGGAWA (t. 14-15). Paggawang walang reklamo at pagtatalo. Ang anumang malinaw na kalooban ng Diyos ay ipinatutupad na walang pag-aalinlangan. Hadlang sa mabuting samahan, maging ng pagmamahalan, ang ugaling walang ginawa kundi maghanap ng mali. Paggawang matuwid at walang kapintasan. Ang ginamit na salita sa English ay “without blemish.” Ibig sabihin, walang dungis. Walang maituturong daliri sa kanya upang sabihing siya ang may kasalanan. Dahil dito, sila ay magsisilbing ilaw, tulad ng mga bituing nagniningning sa kalangitan. Na kahit laganap ang kadiliman, ang ningning ng kanilang paggawa ay uliran sa mga nakakikita.

 

Para kay Pablo, ang pagiging ulirang mga anak ng Diyos ng mga taga-Filipos ay maipagmamalaki niya sa Araw ni Cristo, sa Kanyang muling pagparito (t. 16). Sa pagiging uliran nila, para sa kanya, hindi nawalan ng kabuluhan ang hirap at pagod niya. Larawan ito ng isang barkong dumadaan sa malakas na bagyo at pilit na inililigtas ng kapitan hanggang sa marating nilang ligtas ang pantalan (port). Higit pa rito, sa pagiging uliran ng mga taga-Filipos, ikagagalak ni Pablo na ang buhay niya ay “ibuhos bilang handog para sa (kanilang) paglilingkod at pananampalataya sa Diyos” (t.17). Ang pagsasaripisyo ni Apostol Pablo ay napapalitan ng kagalakan dahil sa pagiging uliran ng mga taong inakay niya sa pananampalataya sa Panginoong Jesus.


Gayundin naman, ang pamilyang uliran sa pagsunod at uliran sa paggawa ay ipinagmamalaki at ikinagagalak ng mga lingkod ng Diyos na sa kanila’y naglilingkod. Sikapin nating maging kagalakan ng ating mga Manggagawang Pastor at Diakonesa. Tulad ng sinabi ni Pablo, sinasabi  nila ngayon, “Kaya magalak din kayo at bahaginan ninyo ako ng inyong kagalakan” (t.18).



Pastor Jhun Lopez


________________________________

No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...