Ang pagtuturo tungkol sa pananalangin ay bahagi ng Sermon on the Mount ng Panginoong Jesus.
Bago ang Sermon, “Nagtuturo siya sa mga
sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita” (4:23). Kasabay noon, pinagagaling
niya ang mga maysakit. Kaya nga, napakaraming tao ang nagsimulang sumunod sa
Kanya mula sa iba’t ibang lugar. Nang makita Niya ang mga tao, umakyat Siya sa
bundok at nagsimulang magturo sa mga alagad (hindi ang Labindalawa kundi ang
mga taong nagnanais sumunod sa Kanya nang panahong iyon.)
Ang pagtuturo sa pananalangin ay matatagpuan natin sa
chapter 6:5-15. Isa-isahin natin ang mga aral ng bahaging ito ng Sermon on the Mount.
Una, ANG
KALAGAYAN NG SARILI KAPAG NANALANGIN (t.5-8). Dalawang “huwag” ang natuklasan natin kanina. Sa
pananalangin, (1) huwag tumulad sa mga
mapagkunwari. Ang salitang “mapagkunwari” ay kasingkahulugan ng mga
sumusunod: “stage-player, one who acts
under a mask, personating a character different from his own; a counterfeit, a
dissembler; one who would be thought to be different from what he really is.”[i]
Sa positibo at madaling pagsasalita, maging totoo ang sarili sa pananalangin. Sa
pananalangin, (2) huwag gagamit ng
maraming salitang walang kabuluhan. Ang “maraming salitang walang kabuluhan” ay tumutukoy sa paulit-ulit na
pananalangin na nawawala na sa tamang pagkilala sa Diyos. Ito ay maaaring bunga
ng kapaguran sa sobrang haba ng mga panalangin na sanhi ng panalanging nawawala
na ang isip sa tamang direksyon. Sabi nga ni Adam Clarke, isang British Methodist theologian, “Prayer
requires more of the heart than of the tongue.” Hindi ang dami ng
sinasabi natin kundi ang nilalaman ng ating mga puso ang mahalaga sa tuwing
tayo ay nananalangin.
Ikalawa, ANG
NILALAMAN NG ATING PANALANGIN (9-13). Pamilyar na tayo sa panalanging
ito, ang “Ama Namin.” Itinuro ng
Panginoong Jesus ang tamang pattern sa prayer. Mabuting pasimulan sa mga bata
at sa mga bagong Cristiano ang pag-memorize
nito upang matutuhan ang pananalangin. Pero higit sa pagkabisabo, ang tamang
nilalaman ang bigyan natin ng pansin.
(1)
TAMANG
PAKIKIPAG-UGNAY SA DIYOS, “Ama
naming nasa langit, sambahin nawa ang iyong pangalan.” Sa pananalangin,
malinaw dapat sa atin kung ano ang kaugnayan natin sa Diyos. Siya ang Ama na
dapat sambahin. Nananatili ang mataas na paggalang kahit pa sabihing Siya ay
isang “matalik na kaibigan” o sa
iba’y “bro” na lamang ang tawag na
parang isang barkada.
(2)
TAMANG
PAGPAPASAKOP SA DIYOS, “Dumating
nawa ang iyong kaharian. Masunod nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng
sa langit.” Sa pananalangin, hindi ang ating kaharian at sariling kalooban
ang pinagtutuunan. Mahalaga ang pagpapasakop sa gusto ng Diyos at hindi ang
makasarili nating kagustuhan.
(3)
TAMANG
PAGHINGI SA MGA KALOOB NG DIYOS, “Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw.” Ang “araw-araw” ay hindi isang “one time-big time” na paghingi sa Diyos.
Ito ay paghingi para sa kasalukuyang pangangailangan, “give us this day,” hindi panghanggang bukas. Hindi ito paghingi ng
gusto lamang kundi ng pangangailangan, tulad ng pagkain (bread). Noon, tinapay ang ibinabaon ng isang manlalakbay na sapat
para sa maghapon. Sapat ang sustansiya ng tinapay para sa bagong lakas sa
kinabukasan. Sa gayon ay muling aasa sa ipagkakaloob ng Diyos sa araw na
kasalukuyan. Kaya nga, “Give us this day.”
(4)
TAMANG
PAKIKIPAGKASUNDO SA DIYOS, “patawarin
mo kami sa aming mga kasalanan, tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala
sa amin.” Hingin ang patawad sa Diyos kung may nagawang kasalanan. Pero ang
patawad ay makakamtan lamang ng taong nagawa na ang magpatawad. (Basahin ang
talatang 14-15 at magkomentaryo).
(5)
TAMANG
PAGKILALA SA KAPANGYARIHAN AT KATAASAN NG DIYOS, “At huwag mo kaming hayaang matukso, kundi
iligtas mo kami sa Masama! Sapagkat iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at
ang kaluwalhatian, magpakailanman! Amen.” Tandaan, pagkatapos nating
manalangin, paniguradong may tukso na ang kaaway para tayo ay ipahamak. Kilalaning
hindi natin kaya ang mga ito kundi sa kapangyarihan lamang ng Diyos. Sa
panalangin, hindi kailanman tayo ang itinataas, sapagkat “ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian” ay sa
Kanya lamang, magpakailanman. Amen.
Ang pananalangin ay basic. Sapagkat para sa iba, alam na nila ito kaya hindi na
kailangang pag-aralan pa. Pero, sa katotohanan, marami ang bumabagsak sa basic spiritual discipline na ito sa
buhay ng isang mananampalataya. Kung hindi sasanayin ang sarili sa disiplinang
ito, hindi ito matututuhang isagawa ng regular
o kaya’y nang mataimtim. Kailangang i-ensayo ang sarili at tiyaking ginagawa
ito nang palagian. Simulan sa ilang minutong panalangin hanggang sa humaba ang
panahong iginugugol dito. Sa gayon ay nasasanay na sa tamang pananalangin.
Ang panalangin ay expression
of faith. Wala tayong nakikita pero nananalig tayong may nakikinig at
tutugon sa bawat panalangin natin. Kung wala ang faith, magiging mahirap sa isang tao ang manalangin ng tama. Habang
tayo ay nananalangin, ang paglago sa pananampalataya ay mararanasan natin. Kaya
nga, tayo, sa ating pamilya ay magsimula sa sama-samang paglalakbay sa tamang
kalagayan tuwing tayo ay nananalangin at tamang nilalaman ng ating panalangin.
No comments:
Post a Comment