BASAHIN: Filipos 2:1-11
“Ang panahon
natin ay talagang mapanghamon. Ayon sa mga naiuulat, marami na ang nababalisa
at nagkakaproblema na sa kapayapaan ng isipan. Ang tamang reaksyon ng mga tao
sa sitwasyon ay natatalo na ng pag-aalala. Mabilis magalit na humahantong sa
domestic violence. May hindi mapagkatulog. Kaya napapanahon ang paksang
“Kaisipang Tulad ng Kay Cristo Jesus.” Ang kaisipang manatili sa kapakumbabaan
sa kahit anumang sitwasyon ang kinakaharap natin.”
Ang sulat ni Pablo sa mga mananampalataya sa Filipos
ay puno ng kagalakan at pagmamahal sa natatanging iglesiang tumulong sa
pangangailangan niya noong siya ay nagpapasimula pa lamang mangaral ng
Magandang Balita (4:15). Kaya nga, sa unang kabanata pa lamang ng sulat niya ay
nagbukas siya ng damdaming “Kayo’y laging
nasa aking puso” (1:7).
Sa lalim ng malasakit ni Apostol Pablo sa mga
taga-Filipos, sa paksa natin ngayon, dinadala niya sila sa buhay na katulad ng
Panginoong Jesus. Nang sabihin niyang, “Natitiyak
kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang
sa Araw ni Jesu-Cristo” (1:6) at sa pagsasabing, “Sapagkat para sa akin, ang buhay ay para kay Cristo at ang kamatayan ay
pakinabang” (1:21), inaakay niya ang mga mananampalataya patungo sa larawan
ng kapakumbabaang ipinakita ng Panginoong Jesus. Ang katuruan tungkol sa
Panginoong Jesus ang sentro ng pagtuturo ni Pablo sa mga taga-Filipos nang
sabihin niya, “Nawa'y magkaroon kayo ng
kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus” (2:5).
Paano nga ba inilarawan ang pagpapakumbaba?
Una, maisasagawa ang pagpapakumbaba kung may PAKIKIISA SA ISA’T ISA. Ang mga salitang; pakikiisa, isa’t isa, iisang, mabuklod at magkaisa, sa talatang 1-2 ay pagpapauna sa panukala ni Pablo na sila ay magkaroon ng kaisipang tulad ng kay Cristo. Nang sabihin niyang “mayroong kasiglahan ang buhay kay Cristo” (t.1) na sinundan niya ng “lubusin ninyo ang aking kagalakan” (t.2), pinatitibay niya ang kahalagahang magkaisa ang iglesia upang marating nila ang kaisipang tulad ng kay Cristo. Mahirap magpakumbaba ang isang taong hindi nakikipagkaisa na ang laging isipan ay sariling kakayahan at kagalingan.
Ikalawa, maisasagawa ang pagpapakumbaba kung may PAGMAMALASAKIT
SA IBA. Ang salitang “sarili”
ay tatlong ulit nabanggit sa talatang 3-4. Itinutuon ni Apostol Pablo ang mga
taga-Filipos, hindi sa kanilang sariling kapakanan, kundi sa isipang ang
pinagmamalasakitan ay ang kalagayan at kapakanan ng iba. Ang mapagpakumbaba ay
hindi mayabang at itinuturing niyang higit ang iba kaysa kanyang sarili.
Magiging madali ang pagpapakumbaba kung ang isipan nila ay nakatuon sa
magagawang mabuti para sa iba at hindi lamang sa sariling kapakanan.
ANG
PANGINOONG JESUS AY HUWARAN SA PAGPAPAKUMBABA. Nakiisa
Siya sa layunin ng Diyos para sa kaligtasan ng sanlibutan. Ang mga salitang “hindi niya ipinagpilitan,” “kusa niyang binitiwan” at “naging masunurin hanggang kamatayan,” ay
pagpapakitang kaisa Siya sa naganap na pagtubos. Gayundin, sa naganap na
kamatayan Niya sa krus, naipakita at naipadama Niya sa atin ang malalim Niyang
pagmamahal at pagmamalasakit sa sanlibutan.
Magiging mahirap para sa atin ang makiisa at
magmalasakit sa iba kung ang pagsisikap na gawin ito ay umaasa sa magagawa ng
sarili. Mabibigo tayo. Kaya nga, ang hamon ni Apostol Pablo, “magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay
Cristo Jesus” (2:5). Siya ang pattern
natin sa buhay na mapagpakumbaba. Nagpakumbaba Siya bago pa Siya ipinanganak.
Nagpakumbaba Siya nang Siya ay makapiling ng mga tao hanggang sa kamatayan sa
krus. Nagpakumbaba Siya hanggang sa kaitaasan, sapagkat ang kapurihan at
kadakilaan Niya ay para “sa
ikaluluwalhati ng Diyos Ama” (2:11). Napakadakilang pagpapakumbaba na
marapat lamang nating tularan!
No comments:
Post a Comment