“Nakilala natin ang Panginoong Jesus bilang
Pintuan. Na sa lahat ng sumasampalataya sa Kanya ay maliligtas at makatatagpong
lagi ng pastulan. At nalaman nating sa Pintuan, sa Panginoong Jesus, ay may
buhay - buhay na masaganang lubos. Ngayon, ating kilalanin ang Mabuting Pastol
na nakakikilala sa atin at Siyang nag-alay ng buhay para sa Kanyang mga tupa.
Tayo ay mga tupa na nangangailangan ng pastol – Siya ang Panginoong Jesus.”
Ang Panginoong Jesus ang ating Mabuting Pastol. Inialay
Niya ang Kanyang buhay para sa mga tupa Niya. At ito ay lubos na naganap nang
Siya ay mapako sa krus at doo’y mamatay.
Bilang Mabuting Pastol, natitiyak nating hindi Siya katulad
ng upahang pastol. Hindi Siya tatakas kapag may dumating na asong gubat. Ibig
sabihin, hindi Niya hahayaang mapahamak tayong mga tupa Niya sa anumang banta
ng masama. Kung ang upahan ay nang-iiwan, Siya ay hindi mang-iiwan. Sasamahan
Niya ang mga tupa Niya sa kahit anumang kalagayan. Sapagkat tayo ay mga tupa ng
Mabuting Pastol, hindi Niya hahayaang tayo ay mabulabog ng mga asong gubat.
Tiyak namang isang araw ang mga tupa ay mamamatay, pero tinitiyak ng Mabuting
Pastol na ang buhay ng mga tupa ay mapayapa, masagana at may kasiyahan sa loob
ng Kanyang kawan. Na habang ang mga tupa Niya ay nasa ilalim ng Kanyang
pagpapastol, walang masamang makagugulo sa kanilang buhay.
Ang Mabuting Pastol ay nagmamalasakit sa Kanyang mga tupa.
Kilala Niya ang mga tupa Niya at ang mga tupa Niya ay kilala Siya. Nalalaman
Niya ang pangangailangan ng mga tupa. Nalalaman Niya ang kahinaan at kalakasan
ng bawat isang tupa sa Kanyang kawan. At ang palatandaang tupa nga Niya ang
isang tupa ay hindi sa dahilang kasama ito ng ibang tupa kundi ang pagpapakitang
kilala ng tupa ang Mabuting Pastol.
Kaya nga sa talatang 19-21, makikita nating hindi lahat ay
naniwala sa pagiging Mabuting Pastol ng Panginoong Jesus. Ipinaunawa Niya ang
pakinabang ng mga tupa sa Kanya bilang Mabuting Pastol. Subalit sa halip na gustuhin
nilang mapabilang sa mga tupa Niya, inakusahan pa Siyang sinasapian ng demonyo
at nababaliw. Ang mga tupa ng Mabuting Pastol ay kumikilala sa Kanya.
Ang Panginoong Jesus ang ating Mabuting Pastol. May
COVID-19 man o wala, natitiyak nating hindi Siya nagpapabaya. Totoo ang Kanyang
mga pangako. Hindi Niya tayo iiwan at pababayaan lalo na ngayong ang buong
mundo ay dumaraan sa matinding hamon sa kalusugan ng mga mamamayan. Kasama
natin ang Mabuting Pastol maging sa pagdaan natin sa “madilim na libis ng kamatayan.” Ito ang panahon upang ipahayag
natin ang pananampalataya sa Kanya. Walang anumang “asong-gubat” ang tatakot sa atin sapagkat nalalaman nating may
Mabuting Pastol na kaagapay natin sa tinatahak nating landas.
Hindi tayo dapat matakot. Kilala ng Panginoong Jesus kung
sino ang mga tupa Niya. Kung tupa nga Niya tayo, tiyak nating
pinagmamalasakitan Niya tayo. Nalalaman Niya ang kalagayan at pangangailangan
ng bawat isa sa atin. Nalalaman Niya ang kasalukuyang nagaganap sa ating mundo.
Sa ngayon, pumanatag lang tayo at huwag mabulabog ng kaguluhan. Patuloy lang
tayo sa pagkilala sa Kanya. Tuparin natin ang misyon ng Diyos sa ating pamilya,
na ang bawat isa sa atin ay maging mga alagad ng Panginoong Jesus na gumagawa
ng mga bagong alagad Niya.
Pastor Jhun Lopez
_____________________________
Nakaraang blog: BUHAY NA MASAGANANG LUBOS
No comments:
Post a Comment