Search This Blog

Tuesday, April 14, 2020

BUHAY NA MASAGANANG LUBOS


Basahin: Juan 10:1-10

Bawat bahagi ng bahay ay mahalaga. Bawat lugar nito ay may kani-kaniyang layunin. Tayo man, bawat isa sa atin, ay may ginagampanang bahagi sa pamilyang ito. Bawat isa sa atin ay mahalaga at may layunin ang Diyos kung bakit Niya tayo inilagay sa pamilyang ito. Anuman ang kalagayan ng pamilya natin, may mabuting magagawa ang presensiya mo lalo na ngayong panahong ang buong mundo ay nakararanas ng pangmalawakang banta sa kalusugan (pandemic). Higit pa dito, ang presensiya ng Panginoong Jesus sa pamilya natin ay napakahalaga upang patuloy nating maranasan ang buhay na masaganang lubos.

Sa Chapter 9, pinagaling ng Panginoong Jesus ang isang lalaking ipinanganak na bulag. Pilit na ipinalalabas ng mga Pariseo na ang Panginoong Jesus ay hindi mula sa Diyos. Hindi matanggap ng lalaki ang paratang nilang makasalanan ang nagpagaling sa kanya. Dahil dito, ang bulag na nakakita ay itiniwalag sa relihiyon. Nang muling magkita ang Panginoong Jesus at ang lalaki, sumampalataya ito sa Kanya. Ipinakilala ng Panginoong Jesus sa lalaki kung sino Siya.
Ang Panginoong Jesus ang Pintuan. Binigyang-diin Niyang magnanakaw at tulisan ang mga taong hindi sa pintuan dumaraan. Na ang tunay na pastol ng mga tupa ay sa pintuan dumaraan. Ang mga pastol ng tupa ay pinakikinggan at sinusunod ng mga tupa. Napakahalaga sa mga tupa  ang pagdaan ng pastol sa pintuan. Natutukoy nilang mapapahamak sila kapag ang isang tao ay hindi sa pintuan dumaan. Sa gayon unang nakikilala ng mga tupa ang kanilang pastol.
Ipinakilala ng Panginoong Jesus ang Kanyang sarili na Pintuang dinaraanan ng mga tupa. Sa pagsasabing, “ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at tulisan” ay pagtutuwid sa mga Pariseong noon ay nakikinig sa Kanya. Nagtuturo sila sa mga tao tungkol sa paglapit sa Diyos subalit hanggang sa mga oras na iyon ay ayaw nilang maniwala sa Pintuan na dapat nilang daanan. Sa halip ay nagpupumilit silang makahanap ng sumbong tungkol sa Panginoong Jesus.

Ang Panginoong Jesus ang Pintuan. Ang papasok sa pamamagitan Niya ay maliligtas. Papasok at  lalabas ng kulungan at laging makatatagpo ng pastulan. Laging may luntiang parang na makakainan. Sinabi ng Panginoong Jesus sa talatang 10, “Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, buhay na masaganang lubos.” Kaya dapat sa Pintuan dumadaan.
 Ang krisis na nagaganap sa buong mundo ay maaaring nagdudulot ng takot sa puso at isip ng mga tao. Mahirap ang sitwasyon ngayon na sumusubok sa atin kung hanggang saan ang pagtitiwala natin sa Diyos. Subalit nagpapakilala sa atin ang Panginoong Jesus ngayon, Siya ang Pintuan. Na sa pagpasok natin sa pamamagitan Niya ay may katiyakan tayo sa kaligtasan ng buhay. May pastulan tayong matatagpuan, sa loob at labas. May mga pastol na dumaraan sa Pintuan na aakay sa atin sa paglagong Cristiano. At sa Pintuan na ating sinasampalatayanan, ang Panginoong Jesus, ang pangako Niya sa atin ay buhay, buhay na masaganang  lubos.
Sikapin nating maging matatag sa panahong ito sa pamamagitan ng sama-sama nating paglalakbay tungo sa pagtupad sa misyon ng Diyos. Lahat tayo ay tupa ng Panginoong Jesus na nakapasok na sa Pintuan. Bilang isang pamilyang alagad ng Panginoong Jesus, tayo ay patuloy na makinig at sumunod sa Kanya. Maging daan tayo ng pagkakasundo at liwanag sa ating lipunan.

Pastor Jhun Lopez


__________________________________
Nakaraang blog: NAGLALAKBAY TAYO SA LIWANAG 




No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...