Search This Blog

Wednesday, April 8, 2020

HINDI TAYO MAGUGUTOM


BASAHIN: Juan 6:25-40 

Ang binasa nating mga talata ay isa pa sa mga pangyayari sa Biblia na kung saan ay muling nagpakilala ang Panginoong Jesus kung sino Siya. Sa talatang 1-12, makikita natin ang pagpapakain ng limang libo sa pamamagitan ng limang tinapay at dalawang isda. Dahil sa himalang iyon, naging masugid sa pagsunod ang mga tao. Gusto nilang laging nasa tabi ng Panginoong Jesus.

Humigit-kumulang sa limang libong lalaki ang nakakain. Nabusog. Libo-libong tao ang patuloy na naghanap at sumunod sa Panginoong Jesus. At alam Niyang kaya sila patuloy sa pagsunod ay sa dahilang sila ay nakakain at nabusog. Ito ang kanilang motibo. Hindi naman masamang maghanap ng tinapay at gustuhing mabusog, sapagkat totoo namang kailangan ng tao ang pagkain. Pagkaing makabubusog.

Sa katotohanan ng kanilang pangangailangang mabusog, sinimulan ng Panginoong Jesus ang daan sa pagpapakilala ng Kanyang sarili sa mga tao. Nagsimulang magtanong ang mga tao kung ano ang dapat nilang gawin upang matupad ang pinagagawa ng Diyos. Ang tugon ng Panginoong Jesus, “sumampalataya kayo sa isinugo Niya” (ng Diyos). Sumampalataya sila sa Kanya.

Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita” (Hebreo 11:1). Naghanap ng ebidensiya ang mga tao kung ano ang magagawa ng Panginoong Jesus para sila ay manampalataya. Sinubok pa nila ito sa pagbanggit ng manna na kinain ng mga ninuno nila sa ilang. Ang manna ay tinapay na bigay ng Diyos sa mga Israelita sa pangunguna ni Moises. Dito sinabi ng Panginoong Jesus na ang tinapay na galing  sa Diyos ay nagbibigay-buhay. Ngunit ang intindi nila ay tinapay na bubusog sa tiyan nila. Hanggang ipakilala na Niya ang Kanyang sarili na Siya ang Tinapay na Nagbibigay-buhay. Na ang sasampalataya sa Kanya ay may buhay na walang hanggan.

Kayang busugin ng Panginoong Jesus ang lahat ng tao. Kaya Niyang ibigay ang lahat ng ating pangangailangan. Higit pa rito, bilang Tinapay na Nagbibigay-buhay, kaya Niyang buhayin sa huling araw ang mga mananampalataya Niya. Sapagkat may buhay na walang hanggan ang mga taong sumasampalataya sa Tinapay na Nagbibigay-buhay.

Sa araw na ito ay ini-announce na ang Enhanced Community Quarantine. Sa buong Luzon, bawal na ang basta-basta lumalabas ng bahay. Ang pagkain ay limitado nang mabibili sa mga tindahan ng pagkain, gamot at iba pang basic needs. Pansamantala lang naman. Pero marami ang nag-aalala dahil totoo naman na ang bawat isa ay may pangangailangan lalo na ang may pamilya. Ang tanong, “Paano na ang aming kakainin?

Higit sa pagkain, ipinauunawa sa atin ng Panginoong Jesus na ang buhay ay hindi lamang sa mundong ito. Maaaring ipag-alala natin ang pisikal na buhay. Normal lamang iyon. Subalit higit dito, bilang isang pamilyang sumasampalataya sa Panginoong Jesus, nagsisi sa kasalanan at tinanggap sa Kanya bilang Panginoon at Tagapagligtas, ang buhay na walang hanggan ang higit nating pinagtutuunan. Na sa buhay ng pamilya natin, kasama natin ang Tinapay na Nagbibigay-buhay… hanggang sa walang hanggan.

Kaya, hindi tayo dapat matakot sa mga nagaganap sa ating kapaligiran. Higit pa sa sinabi ng Pangulong Duterte na, “Huwag kayong matakot” sa kanyang direktiba, sinasabi sa atin ng Panginoong Jesus, “Ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon” (Mateo 28:20). Pumanatag tayo at patuloy na isulong ang pagtupad sa misyon ng Diyos. Simulan natin ang paggawa ng alagad sa loob ng ating tahanan. Bawat isa sa atin ay maglakbay sa pagiging alagad. Bawat isa sa atin ay maging tagapanalangin para sa mga kapwa natin mananampalataya at maging sa mga kababayan natin lalo na sa mga frontliners.

Pastor Jhun Lopez
mula sa IEMELIF Family Altar Lesson


___________________________________
Nakaraang blog: PAPAWI SA ATING KAUHAWAN

No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...