Search This Blog

Friday, April 10, 2020

NAGLALAKBAY TAYO SA LIWANAG


BASAHIN: Juan 8:1-12

Bawal ang judgmental! J Ang tagpo sa binasa natin ay isang halimbawa ng pagiging judgmental ng mga tao. Napakadali sa mga tao ang maging judgmental. Kadalasan binabasa natin ang tao sa hugis ng mukha, sa kulay ng buhok, sa style ng pananamit, sa tono ng pagsasalita, sa galaw ng mga kamay, sa klase ng kinakain, sa background ng buhay at maging sa kulay ng balat. Ngunit ang lahat ng ito ay hindi matibay na batayan upang husgahan kung sino at ano ang isang tao. At lalong hindi maaaring tuldukan o tapusin ang kahihinatnan ng buhay niya.

Habang nagtuturo ang Panginoong Jesus sa Templo, dumating ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang babaing nahuli sa pangangalunya. Malaking kasalanan para sa mga Israelita ang ginawa ng babae. Ang parusa ng kasalanan niya ay “batuhin hanggang sa mamatay.” Ang mga lumapit sa Panginoong Jesus ay hindi lumapit para sumampalataya sa Kanya. Hindi sa dahilang sila ay nauuhaw katulad ng babaing Samaritana. Hindi sa dahilang sila ay nagugutom at gustong mapakain ng Panginoong Jesus. Lumapit sila upang subukin Siya at makaisip ng maipararatang sa Kanya. Nagkamali sila, hindi judgmental ang Panginoong Jesus.

Sa halip na hatulan ang babaing makasalanan, yumuko ang Panginoong Jesus at sumulat sa lupa gamit ang Kanyang daliri. Hindi naitala kung ano ang isinulat Niya pero ang maliwanag sa pangyayari, hindi Siya nagpadalus-dalos sa paghatol na siyang gustong mangyari ng mga tao na gawin Niya. Nalalaman ng Panginoon kung sino ang babae at ang bigat ng kasalanang nito. Pero hindi paghatol ang nasa isipan Niya. Hindi nga kasi judgmental ang Panginoong Jesus.

Bakit hindi naging judgmental ang Panginoong Jesus? Ang sagot sa tanong ay nasa talatang 12, ang sabi Niya, “Ako ang Ilaw ng Sanlibutan.” Ang liwanag ng Panginoong Jesus ay hindi para sa lamang maghatol ng parusa sa mga makasalanan kundi upang baguhin ang lakbayin ng isang taong makasalanan. Ang sagot ng Panginoong Jesus sa mga tao, “Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.” Walang nakapasa. Lahat ay nagsialis maliban sa babae. Itinagubilin ng Panginoong Jesus, “mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan.” Ang liwanag ng Panginoong Jesus ay naranasan ng babaeng makasalanan.

Ang panahon natin ngayon ay sumusubok sa buong mundo. Hindi man perpekto ang pamamaraan ng Gobyerno, pero sa mga nagagalit sa Pangulo ay tila gusto na siyang ipako sa krus. Nauunawaan natin ang pangangailangan ng mga tao lalo na ang mga arawan kung sumweldo. Nakikipasan tayo sa delikadong kalagayan ng mga frontliners. At sa nagaganap na “dilim” ng panahon, ang kailangan natin ay ang liwanag ng Panginoon.

Sa tahanan natin, apektado man tayo o hindi ng Community Quarantine, tayo ay manatili sa paglalakbay sa liwanag ng Panginoong Jesus. Ang mabuting paggawa pa rin ang pagtuunan nating gawin sa ating kapwa lalo na sa ating pamilya. Makarating man sa atin o hindi ang COVID 19, huwag na nating isisi sa kahit kanino ang virus na ito lalo na sa mga intsik J Sa kanila man ito galing o hindi, huwag tayong maging judgmental. Ipaubaya natin sa Diyos ang paghatol. Ang mahalaga ngayon, tayo ay mananatili sa harapan ng Panginoon sa paniniwalang tayo ay pinatawad na sa ating mga kasalanan mula nang tayo ay magsisi at tanggapin Siya sa ating buhay. Na ang tagubilin sa atin, “mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan.” Tandaan natin: bilang mga Cristiano, naglalakbay tayo sa liwanag!

Pastor Jhun Lopez
mula sa IEMELIF Family Altar 


____________________________________
Nakaraang blog: HINDI TAYO MAGUGUTOM

No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...