Search This Blog

Tuesday, April 7, 2020

PAPAWI SA ATING KAUHAWAN


Pangunahing pangangailangan ng pamilya natin ang pagkain, damit at tahanan. Sa panahong ito ng walang kasiguruhang nagaganap sa buong bansa sa pagkalat ng Covid 19 virus, dumami ang pangangailangan ng mga tao. Anu-ano yan? Alcohol at facemask. At nitong nakaraang mga araw, kahit hindi kailangan ay makikita sa pushcart ng mga nagpanic buying. Sa pagbubulay-bulay natin, muli nating pagtiwalaang ang Panginoong Jesus lamang ang papawi ng ating kauhawaan. Siya lamang ang tutugon sa mga pangangailangan natin. 

BASAHIN: Juan 4:1-26, 28-30, 39-42

Ang pagkauhaw sa tubig ay pisikal na pagkauhaw lamang. Isang basong tubig lang ang katapat nito. Pero higit sa tubig, may mga pangangailangan ang tao na kailangang matugunan.
Nakipag-usap at humingi ng tubig ang Panginoong Jesus sa isang babaeng noong panahong iyon ay hindi normal na kausapin Niya bilang isang Judio. Pero nalalaman ng Panginoong Jesus, higit pa sa tubig na sasalukin ng babae, na ito ay may iba pang kauhawang kailangang matugunan.
Ipinaunawa ng Panginoong Jesus sa Samaritana na ang tubig na maibibigay ng balon ay pansamantala lamang na papawi ng uhaw. Subalit ang ibibigay ng Panginoong Jesus ay tubig na nagbibigay-buhay na ang sinumang iinom dito ay hindi na mauuhaw. Sa bandang hulihan ng kanilang pag-uusap, lumalabas na ang babae ay uhaw sa pagmamahal ayon sa lumitaw na katotohanang siya ay nagkaroon ng limang asawa at ang kasama niyang lalaki sa kasalukuyan noon ay hindi niya asawa.
Paano napawi ang uhaw ng Samaritana? Ipinakilala ng Panginoong Jesus ang sarili Niya na Siyang Mesias na pinaniniwalaan naman ng babaeng paparating. Sa puntong iyon, sa halip na umuwi sa tahanan at kausapin ang kinakasama, ang agad niyang pinuntahan ay ang mga taong bayan upang ipamalita ang Tagapagligtas na kanyang nakilala. Ang makilala ang Panginoong Jesus ay pagkakilala sa Tubig na Nagbibigay-buhay, na ang sinumang lumapit sa Kanya ay mapapawi ang uhaw at hindi na muling mauuhaw.

Sa panahong ito, saan pa ba tayo nauuhaw maliban sa mga pangunahing pangangailangan natin? Ano ba ang kulang sa atin ngayon bilang isang pamilya? Mayroon pa ba sa ating hindi pa nagkakaroon ng personal na pagkakilala sa Panginoong Jesus? (Kung mayroon, mabuting ibahagi ang paraan ng pagtanggap sa Panginoong Jesus at akayin sa panalangin ang kaanib ng pamilya.)

Bilang isang pamilya, nagpapasalamat tayo sa Diyos. Sapagkat sa kabila ng kaguluhang dulot ng COVID 19, pinagsama-sama Niya tayo ngayon sa ating Family Altar. May mga pangangailangan tayong dapat matugunan maliban pa sa pagkain, damit at tahanan. Ang pagkakataong ito ay ating samantalahin upang maghari sa tahanan natin ang pagmamahal, kapayapaan at kagalakan na kailangang kailangan natin ngayon. Ang mga ito ay ibinibigay ng Tubig na Nagbibigay-buhay.
Tandaan natin, ang Panginoong Jesus ang tutugon at papawi sa lahat ng ating kauhawan. Magtiwala lamang tayo at gawin nating patuluyan ang paglapit sa Kanya. Ang maging layunin natin bilang isang pamilya ay masunod ang misyon ng Diyos. Na ang bawat isa sa atin ay maging alagad ng Panginoong Jesus na gumagawa at umaakay ng mga bagong alagad Niya. Na ating maisulong ang pakikipagkasundo sa kapwa natin mananampalataya. Na ang pagmamalasakit sa lipunan ay maipakita sa pakiisa sa layunin ng bayang hindi na maikalat pa ang banta ng virus.

Pastor Jhun Lopez
mula sa IEMELIF Family Altar Lesson


_______________________

No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...