Ituturo mo ang landas na patungo sa buhay,
sa piling mo'y madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo'y nagdudulot ng ligayang
sa piling mo'y madarama ang lubos na kagalakan;
ang tulong mo'y nagdudulot ng ligayang
walang hanggan. Awit 16:11
LANDAS TUNGO SA BUHAY. Sa kalagayan ng ating panahon, na kung saan ang lahat ay nakikibaka sa buhay, ang direksyon patungo sa buhay na mapayapa, masaya at masagana ay kailangan. Hindi kamatayan ang nais ng sinuman. Ang hanap natin ay buhay na may lubos na kagalakan. Buhay na makasama ang Diyos, sa kasalukuyan hanggang sa walang hanggan. Ang landas patungo sa buhay na ito ay itinuturo ng Diyos sa lahat.
LUBOS NA KAGALAKAN SA PILING NG DIYOS. Wala nang iba pang masusulingan sa buhay na mayroon tayo kundi ang Diyos. Nakalulungkot mang isipin, hindi ito ang gawi ng lahat ng mga tao. Sa halip, ang kagalakan ay hinahanap ng marami sa mga bagay ng mundong ito; kayamanan, katanyagan, karunungan, kalayawan, at iba pang nag-aangat sa uri ng buhay ng tao. Ngunit ang lahat ng ito ay lilipas at pansamantala lamang. May saya, pero hindi lubos. Itinuturo ng Diyos sa lahat na ang hanap nating lubos na kagalakan ay matatagpuan lang sa piling Niya.
TULONG NIYA’Y LIGAYANG WALANG HANGGAN. May forever! Kung ang lahat ng ligayang dulot ng mundong ito ay lilipas, pati na ang mga relasyong pinaghihiwalay ng iba’t ibang sitwasyon, tandaan natin, hindi matatapos ang ligayang mula sa Diyos. Ang ligayang ibibigay Niya, sa sinumang tatanggap ng Kanyang tulong, ay forever. Tayo, bilang mga Cristiano, ay naniniwalang lubos na kagalakan ang dulot ng pagparito ng Panginoong Jesus. Ang makilala Siya bilang Panginoon at Tagapagligtas ay nagbigay sa atin ng buhay na walang hanggan, pinatawad ang ating mga kasalanan at tinanggap natin ang Kanyang pagliligtas (cf. 1 Juan 4).
Tandaan: Itinuturo ng Diyos sa atin ang landas tungo sa lubos na kagalakan. Isang buhay na punung-puno ng kagalakan. Kagalakang walang hanggan sa Kanyang piling!
Pastor Jhun Lopez
______________________________________
Nakaraang blog: AKO AY NILIKHA NG DIYOS
No comments:
Post a Comment