Search This Blog

Sunday, January 19, 2020

SUSI SA TAGUMPAY


Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat ng kautusan. Pagbulay-bulayan mo iyon araw at gabi upang matupad mo ang lahat ng nakasaad doon. Sa ganoon, magiging masagana at matagumpay ang iyong pamumuhay
Josue 1:8

ANG AKLAT NG KAUTUSAN. Ito ang aklat na isinulat ni Moises mula sa kanyang pakikipag-ugnay sa Diyos. Ipinasa niya ito kay Josue bilang successor niya sa pagiging lider ng bayang Israel. Ito ang mga batas na gagamitin ni Josue sa pamamahala sa bayang noo’y sinasanay pa lamang sa pagsunod sa Diyos. Sa ating panahon, ang Aklat ng Kautusan ay ang Biblia—ang Banal na Kasulatan. Ito ang gabay natin sa pamumuhay Cristiano.

HUWAG KALILIGTAANG BASAHIN. Malamang, may sariling sipi si Josue ng nasabing aklat upang mabilis niyang masunod ang nais ng Diyos. Ang tagubiling “huwag kaligtaang basahin” ay pagbasang patuluyan na ang puso, isip at espiritu ay nakatuon sa nais ipaunawa ng Diyos. Sapagkat ang mga Israelita noon ay nalalapit na sa pagpasok sa Lupang Pangako, mahalagang naisapuso na nila ang nilalaman ng Aklat. Sa ngayon, ang Salita ng Diyos ay mahalagang nalalaman natin sa puso at isip, nang sa gayo’y may sandata tayo sa pakikibaka sa mga gawa ng kasamaan.

PAGBULAY-BULAYAN ARAW AT GABI. Ang devotion ay hindi lamang simpleng pagbasa at pag-aaral ng Biblia. Ang nais ng Diyos ay pagtatalaga ng buong pagkatao ni Josue sa Aklat ng Kautusan. Nais ng Diyos na ang hinirang Niyang lider ay isang lalaking nauunawaan ng puso’t isip ang Kanyang mga utos. Na sa pang-unawang ito ay nagtatalaga sa pagsunod at walang anumang susuwayin sa nasasaad dito. Isang pagtatalagang sa anumang oras, saan mang lugar, at kahit ano pa ang nagaganap sa kapaligiran, ang Salita ng Diyos ay kitang-kita sa buhay ng taong sa Kanya ay sumusunod.

MASAGANA AT MATAGUMPAY ANG PAMUMUHAY. Ang pagsunod at pagbubulay-bulay sa Aklat ng Kautusan ay susi ni Josue sa tagumpay.  Maaari tayong mamuhay ng masagana at matagumpay. Palagiang magbulay  at sundin ang Salita ng Diyos.


Pastor Jhun Lopez


_______________________________________
Nakaraang blog: KAGALAKANG WALANG HANGGAN

No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...