Search This Blog

Wednesday, June 19, 2019

ANG KATAPATAN NG DIYOS SA MGA AMA

“Napansin mo ba ang lingkod kong si Job?” tanong ni Yahweh. “Wala siyang katulad sa daigdig. Mabuti siyang tao, sumasamba sa akin, at umiiwas sa masamang gawain,” dugtong pa ni Yahweh.”
Job 1:8

KATAPATAN NG DIYOS SA MGA AMANG LINGKOD. Sino ba ang hindi nakakikilala kay Job? Ang tauhan sa Biblia na nagpamalas ng katatagan sa gitna ng mga pagsubok na idinulot ng masama sa kanya. Nawalan ng ari-arian, pinaslang ang mga anak, nagkaroon ng sakit, iniwanan ng asawa, at sa panahon ng pagdadalamhati, pinagsabihan pa ng mga kaibigan. Sa lahat nang ito, nanatili siya sa pagiging lingkod ng Diyos. Ang masaganang biyaya ng Diyos ay sumakanya matapos ang lahat ng pinagdaanan. Sapagkat sa harap ng Diyos, si Job ay isang ama na Kanyang lingkod.

KATAPATAN NG DIYOS SA MGA AMANG MABUTI. Madaling maging mabuti kung ang lahat nasa ayos at mapayapa. Walang stress, ika nga. Pero paano na kung tila ang buong daigdig ay bumagsak sa balikat mo? Na ang lahat ng inaasahan mo’y nawala sa mga kamay mo. Marami ang kumakapit sa patalim. Katwiran nila, "Di na baleng masama, basta ang bunga naman ay makabubuti." Pero iba ang ipinamalas ni Job. Ang pagiging mabuti niya, ayon kay Yahweh, ay walang katulad sa daigdig. Ang kabutihan ay kanyang napanatili sa kabila ng nagtambak na mga pagsubok. Si Job ay isang mabuting ama.

KATAPATAN NG DIYOS SA MGA AMANG SA KANYA AY SUMASAMBA. Sasamba ka pa ba sa Diyos kung sakaling maranasan mo ang katulad na sitwasyon ni Job? Marahil sasabihin nating “Aba’y syempre!” Ito ang tamang reaksyon kapag dumating ang pagsubok - patuloy na pagsamba sa Diyos. Ang pagsamba sa Diyos ay kapahayagan ng pagkilala sa Kanyang kadakilaan. Ito ay pagtatanghal sa Kanyang kakayahang baguhin ang sitwasyong nagpapabigat sa ating mga dalahin. Ang pagsamba ay pagsasabing, “Nakahihigit ang Diyos sa lahat ng aking mga pasanin.” At habang ang isang tao ay patuloy sa pagsamba, ang pagkilos ng Diyos sa kanyang buhay ay patuloy rin naman niyang mararanasan.

HAPPY FATHER’S DAY sa mga amang lingkod ng Diyos, mga amang may mabuting pamumuuhay at mga amang tunay na mananamba ng Diyos. Dalangin ko sa ating Diyos Ama, “Pagpalain at ingatan kayo ng Panginoon!

Pastor Jhun Lopez


________________________________


No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...