Search This Blog

Monday, June 24, 2019

ANG BUKIRIN NG DIYOS

“Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, subalit ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago.… Kami'y kapwa manggagawa ng Diyos at kayo ang kanyang bukirin.”
1 Corinto 3:6, 9a

AKO ANG NAGTANIM, IBA ANG NAGDILIG. Ang bawat lingkod ng Diyos ay may mga bahagi sa buhay ng isang Iglesia. Sa kaso nina Pablo at Apolos, malinaw na sinasabi ni Pablo na siya ang nagpasimula ng gawain sa bayan ng Corinto. Siya ang nagtanim. Gayunpaman, kinikilala niya ang pagdidilig na ginawa ni Apolos. Hindi para isantabi ito. Sa halip, ipinauunawa niya na ang kanilang naging kontribusyon sa Iglesia ng Corinto ay sadyang magkaiba. Bawat manggagawa at mga lider-layko na ginagamit ng Diyos sa pana-panahon ay may buhay na ibinahagi sa katawan ni Cristo.

DIYOS ANG NAGPATUBO AT NAGPALAGO. Magtanim tayo ng magtanim. Magdilig tayo ng magdilig. Tuparin natin ang ating mga tungkulin. Ayon sa gagawin nating pagsisikap, ang Iglesia ay tutubo at lalago. Pagpapalain ng Diyos ang Iglesia habang ang mga kapatiran ay patuloy sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagdulog sa Diyos sa pananalangin, at sa mabiyayang pagsamba at paglilingkod. Makikita natin, ang Kanyang bukirin ay patuloy sa pagtubo at paglago. May naging bahagi man ang isang lingkod, malaki man o hindi, ang pagpaparangal sa paglago ay nakatuon sa pagkilos ng Diyos sa Kanyang Iglesia.

KAPWA-MANGGAGAWA SA BUKIRIN NG DIYOS. Ang mga lingkod ng Diyos na itinatalaga ng Panginoon sa bawat Iglesia ay may magkakaibang kakayahan at talento. Ang natitiyak lamang nating magkakapareho ay ang tawag ng Diyos na gampanan ang ministeryo ng paglilingkod. Bawat isa ay may kalakasan at siguradong may kahinaan din naman. Makabubuting tingnan sila sa perspective na sila ay pinahiran ng langis ng Diyos. Na ang lahat ng hinirang ng Diyos ay kapwa-manggagawa sa bukirin ng Diyos.

BUKIRIN NG DIYOS. Tinawag tayo sa bahagi ng bukirin ng Diyos na kinalalagyan mo ngayon. Maging aktibong tagapaglingkod sa ministeryong ibinigay sa iyo ng Panginoon.

Pastor Jhun Lopez


___________________________________



No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...