Ang bawat tao'y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan,
sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos,
at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral.
Roma 13:1
PASAKOP SA MGA PINUNO NG PAMAHALAAN. Ako ay naniniwala sa pagkakahiwalay ng Simbahan at Pamahalaan (separation of church and state). Hindi marapat na tayo ay makihalubilo sa takbo ng pamahalaan. Gayunpaman, naniniwala rin naman tayo sa sinasabi ng Biblia na ang mga pinuno nito ay itinalaga ng Diyos. Magkahiwalay ang pamamahala ng simbahan at pamahalaan pero ang mabuting ugnayan ay dapat na umiral bilang patotoo natin sa kinabibilangang komunidad. At ang pangunahing tungkulin natin, pagpapasakop sa mga pinuno.
ANG PAMAHALAAN AY MULA SA DIYOS. Ang ating pamahalaan ay mula sa Diyos. Ang Diyos ang naglalagay ng mga hari, mga pangulo, mga senador, at iba pang tungkulin sa bayan. Kung naniniwala tayo sa katotohanang ito, mas magiging madali sa ating tanggapin ang mga batas na umiiral sa bayan natin ngayon. Mga batas na ang tanging layunin ay sa ikabubuti nating mga mamamayan. Marahil, sa pananaw ng iba, maraming batas na hindi mabuti, subalit sa mahabang pagpapasa ng isang “bill” upang maging batas, malamang sa hindi, ang batas na ibinababa sa mga tao ay para sa mga tao, kabilang ang mga Cristiano doon. Ang kabutihang ito ay layunin ng Diyos para sa mga tao.
DIYOS ANG NAGTATAG. Sa mga sumunod na talata, binigyang-diin ang pagiging lingkod ng Diyos ng mga pinuno ng pamahalaan. Ibig sabihin, walang ibang layunin ang Diyos, kaya Niya inilagay ang mga taong ito upang mamuno, kundi ang ikabubuti ng mga tao at pagpaparusa sa mga masasama. Kung lihis na dito ang pinuno, inaalis niya sa kanyang sarili ang kapangyarihang ibinigay ng Diyos sa kanya bilang pinuno.
Diyos ang nagtatag ng pamahalaan. Diyos ang naglagay ng mga pinuno sa pamahalaan. Ang tungkulin natin bilang mga Cristiano ay maging masunurin at mabuting mamamayan.
Pastor Jhun Lopez
__________________________
Nakaraang blog: PAMUMUHAY SA KATUWIRAN NG DIYOS SA ARAW-ARAW
No comments:
Post a Comment