Search This Blog

Monday, December 10, 2018

PAMUMUHAY SA KATUWIRAN NG DIYOS SA ARAW-ARAW

Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y nakikiusap sa inyo na ialay ninyo ang inyong sarili
bilang isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos.
Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos.
Roma 12:1

IALAY ANG SARILI. Inialay mo na ba ang iyong sarili sa Diyos? Marahil, mabilis mong masasabing “Oo.” Sa kaisipang ang pananalangin, ang pagbabasa at pag-aaral ng Biblia, at ang pagdalo sa lingguhang pagsamba ay mga tanda na ang buhay mo ay inialay mo na nga sa Diyos. Ngunit higit pa sa mga nabanggit, ang pag-aalay ng sarili sa Diyos ay hindi  lamang nasusukat sa pagtupad sa mga gawaing Cristiano. Sapagkat maaaring masipag ang pagganap sa mga tungkulin subalit kung ang puso ay susuriin, ang sarili ay hindi pa pala naiaalay sa Diyos.

ANG PAMANTAYAN NG DIYOS. Handog na buhay. Banal. Kalugud-lugod sa Diyos. Sa tatlong ito, nais ipaunawa sa ating higit pa sa panlabas, ang kalooban ay sinisiyasat ng Diyos. Ang pananampalataya ay pangunahin sa lahat. Dahil malibang sumampalataya ang isang tao sa Diyos, walang kabuluhan ang lahat ng kanyang gagawin. Kasunod ang pamumuhay sa kabanalan. Tamang isiping hindi tayo perpekto subalit ito ang nais ng Diyos, isang buhay na banal. Nagsisikap na ang katuwiran ng Diyos ang pamantayan sa buhay. At ang kalugud-lugod na buhay sa harap ng Diyos ang palagiang layunin.

KARAPAT-DAPAT NA PAGSAMBA. Nais ng Diyos na tayo ay maging katanggap-tanggap sa Kanya. Nais Niyang maging makabuluhan ang bawat gawaing paglilingkod sa Kanya. Ang mga kasanayang Cristiano (Christian discipline) ay masamyong handog sa Kanya habang tayo ay nagsisikap na makapamuhay araw-araw sa Kanyang katuwiran. Isang buhay na ang kalooban ng Diyos ang nasusunod hindi ang sarili lamang na kagustuhan.

ALANG-ALANG SA HABAG NG DIYOS. Ang pamanhik ay nakasalalay sa habag ng Diyos. Kung naranasan mo na ang habag ng Diyos sa iyong buhay, mamuhay na sa katuwiran ng Diyos araw-araw.

Pastor Jhun Lopez


____________________________


No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...