Search This Blog

Tuesday, October 9, 2018

HALIGI NG TAHANAN: MATATAG

Kaya't mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya'y nakatayo,
at baka siya matisod.
1 Corinto 10:12

MAG-INGAT. Nais kong batiin ang lahat ng mga tatay sa pamamagitan ng talatang ito. Marahil, kung mayroong inaasahang maging matatag sa loob ng isang tahanan, iyon ay si Tatay! Kaya mag-ingat sapagkat kung mayroon din namang nais maibagsak ang kaaway sa isa sa mga kaanib ng pamilya, si Tatay iyon! Ingat.

SINUMANG NAG-AKALANG NAKATAYO. Si Apostol Pablo ay nanggagaling sa kalagayan ng bayang Israel sa panahon ni Moises. Kumain sila ng pagkaing espirituwal, uminom sila sa batong espirituwal, ngunit marami sa kanila ang hindi kinalugdan ng Diyos (t.1-5). Nakatayo sila. Maaaring taas-noo kung maglakad dahil nalalaman nilang sumasakanila ang presensiya ng Diyos. Ngunit ang buhay nila’y hindi naging katanggap-tanggap sa Diyos.

NAKATAYO BAKA MATISOD. Hindi maikakaila na maraming tukso sa kapaligiran, lalo na para kay Tatay! Ang pagsubok sa pamilya ay unang tumatama sa pinuno ng tahanan. Maaaring matatag na nakatayo subalit ang babala’y “baka matisod.” Sa talatang 13, binigyang-diin ang paraan sa pagiging matatag ng sinumang tumatayo sa presensiya ng Diyos. Lahat ng tao ay dumaranas ng pagsubok. Tapat ang Diyos na nagbibigay ng pagsubok. At bibigyan Niya tayo ng lakas sa pagharap sa mga pagsubok. Sa gayon, ang haligi ng tahanan ay tunay na magiging matatag.

PANANATILI SA KATUWIRAN NG DIYOS. Ang halimbawang ipinakita sa karanasan nina Adan at Eba ay mabuting tingnan ng bawat mag-asawa (Genesis 2:21-24; 3:1-6). Dahil pinag-isa na, manatili sa piling ng asawa.  Dahil tiyak na may mga tukso sa pagsasama, magkasamang labanan ng mag-asawa ang mga ito. Bilang isang Cristianong pamilya, sikapin nating lahat na ang katuwiran ng Diyos ang umiiral sa samahan ng mag-asawa, sa pagitan ng mga magulang at mga anak, at maging sa relasyon ng mga magkakapatid.


Pastor Jhun Lopez


_________________________________________

No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...