Search This Blog

Thursday, September 20, 2018

PANANAMPALATAYA AT KATUWIRAN

Si Abram ay sumampalataya kay Yahweh,
at dahil dito, siya'y itinuring ni Yahweh bilang isang taong matuwid. 
:: Genesis 15:6


SUMAMPALATAYA KAY YAHWEH. Ang halimbawa ng pananampalataya ni Abram (o Abraham) ay huwaran sa lahat ng mga nagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos. Ang pagkatawag sa kanya mula sa sariling bayan patungo sa lugar na ituturo ng Diyos ay napakalaking hakbang ng pagsunod. Kung iisipin, hindi na niya kailangang mangibang bayan pa kung ang pagbabatayan ay ang masaganang kalagayan niya. Subalit ang pagsunod niya ay tanda ng pananampalataya.

ITINURING NA MATUWID. Mabuting tao si Abram. Mula sa lahi ni Shem, na anak ni Noe, malamang na naipasa sa kanya ang kuwento tungkol sa pagliligtas ng Diyos sa kanyang lahi mula sa malaking baha. Naisalin sa kanya kung paanong ipinamalas ng Diyos ang Kanyang katarungan at katuwiran sa ninunong si Noe na noon ay tinawag ding matuwid. Subalit ang paggawa ng mabuti ay hindi automatic na magsasabing matuwid nga ang isang tao. Alalahanin nating si Abram, at iba pang mga ama sa pananampalataya, ay itinuring na matuwid dahil sa ipinakita nilang pananampalataya sa Diyos. At ang pagiging matuwid na ito ay hindi tao ang nagpapahayag  kundi ang Diyos na nakakaalam ng ating mga puso at isipan.

PANANAMPALATAYA AT KATUWIRAN. Ang pangako ng Diyos kay Abram, “Tumingin ka sa langit at masdan mo ang mga bituin! Mabibilang mo ba iyan? Ganyan karami ang magiging lahi mo” (t. 5). Imposible para kay Abram ang pangakong ito kung ang pagbabatayan ay ang kasalukuyang kalagayan— siya’y matanda na at walang anak. Gayunpaman, sumunod si Abram sa Diyos. Nalalaman niya na ang kanyang kausap ay Diyos na makapangyarihan, makatarungan at matuwid. Sa pag-asang tutuparin ng Diyos ang Kanyang pangako, kahit tila imposible na itong mangyari—sumampalataya si Abram sa Diyos at dahil doo’y itinuring siyang matuwid!

SIMULAN SA PANANAMPALATAYA. Kung ang pag-uusapan ay pagiging matuwid, hindi natin ito mararating kung walang pananampalataya. Magtiwala sa Diyos. Lumago sa pagkakilala sa Kanya. Magsaliksik. Alamin at sundin ang kalooban ng Diyos sa  ating mga buhay. At ang Diyos na sumisiyasat ng ating mga puso at isipan ang magsasabing tayo ay matuwid!

Pastor Jhun Lopez


_________________________


No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...