Search This Blog

Tuesday, October 23, 2018

TARA NA SA SUNDAY SCHOOL

Gayunman, O Yahweh, ikaw pa rin ang aming Ama.
Kami ang putik at ikaw ang magpapalayok. Ikaw ang sa ami'y humubog.
Isaias 64:8

IKAW ANG AMING AMA. Alam ng mga Israelita, ayon sa mga salita ng Propeta Isaias, na ang di mabuting sinapit nila ay sanhi ng kanilang sinasadyang pagsuway at matinding kasalanan kay Yahweh. Gayunpaman, isang mabuting pasimula ang kilalanin nila na ang Diyos ay Siya pa rin nilang Ama na masusulingan, malalapitan at maaasahang tutugon sa kanilang mga daing. Ang kaniilang mga panlulumo ay isinangguni sa Diyos na kanilang Ama.

IKAW ANG MAGPAPALAYOK.Kami ang mga putik.” Ito ay kapahayagang nagpapasakop ang mga Israelita sa gagawing pagtutuwid, pagsansala, at pag-akay sa kanila tungo sa katuwiran ng Diyos. Ang kanilang karumihan ay ipinauubaya sa Magpapalayok upang muli silang maging mainam na kasangkapan. Tayo man ay animo mga putik na kailangang magpasakop sa kapangyarihan ng Diyos. Ipaubaya sa Diyos bilang Magpapalayok na huhugis at huhubog sa ating buhay. Masasaktan tayo at mahihirapan. Subalit sa huli’y may buhay tayong nalalamana nating kalooban ng Diyos.

IKAW ANG SA AMI’Y HUMUBOG. Ipinahayag ng mga Israelita ang pagpapasakop sa Diyos. Handa na ang kanilang mga puso sa pagtuturo ng Diyos.  Handa na silang makinig at mag-aral sa katuruang ibibigay ng Magpapalayok. Sa ating panahon, ang paghubog ng Diyos ay magaganap sa diwa ng pagtuturo ng Banal na Kasulatan. Ang ministeryo ng Sunday School ay instrumento ng Diyos upang tayo ay mahubog sa hubog na nais ng Diyos. Ang mga aral dito ay nagsisilbing kalakasan at kapangyarihan natin sa pamumuhay bilang mga Cristiano.

TARA NA SA SUNDAY SCHOOL. Nagaganap ang Sunday School pagkatapos o bago ang Linggong Pananambahan sa iba't ibang Kongregasyon. Mahirap ito sa mga hindi sanay sa mahabang oras sa loob ng kapilya. Marahil, ayaw mahuli sa pananghalian, may lakad pang iba o sadyang hindi dama ang pagdalo dito. Ang simpleng pagsasakripisyo ay may mabuting bunga sa pananampalataya ng bawat isa. Kaya, tara na sa Sunday School!

Pastor Jhun Lopez


_____________________________

No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...