Search This Blog

Friday, September 14, 2018

MGA HAKBANG SA PAGKAKILALA SA KATUWIRAN NG DIYOS

Sumunod nga si Abram sa utos ni Yahweh;
nilisan niya ang Haran noong siya'y pitumpu't limang taon.
Sumama sa kanya si Lot.    :: Genesis 12:4


ANG TAWAG NG DIYOS. Walang pag-aalinlangan na ang Diyos ay matuwid at makapangyarihan. Siya ang Diyos na tumawag kay Abram upang maging ama ng malaking bansa. Sa tawag ng Diyos, kailangan niyang iwan ang sariling bayan. Isantabi ang mga personal niyang kagustuhan sa buhay. Maging ang kasalukuyang kalagayan sa piling ng asawang hindi magkaanak. Kailangan ni Abram na magtiwalang lubos sa sinabi ng Diyos sa kanya. “Pararamihin ko ang iyong mga anak at apo at gagawin ko silang isang malaking bansa” (t. 2).

ANG PAGSUNOD SA DIYOS. Mahirap para kay Abram ang iniutos ng Diyos. Subalit walang pag-aalinlangan niyang sinunod ang Diyos anuman ang kakaharapin sa panibagong buhay sa lupaing kanyang pupuntahan. Ang pagtitiwala niya sa Diyos ay pinatunayan ng kanyang pagsunod sa kabila ng tila imposibleng magaganap sa buhay niya. “Pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang iyong pangalan at ikaw ay magiging pagpapala sa marami” (t.2b). Ang pagsunod ni Abram ay matuwid na pagpapakita na siya ay may tunay at malapit na pakikipag-ugnayan sa Diyos.

ANG SUMUSUNOD, SINUSUNDAN. Maliwanag na sa atin na si Abram ay nagtiwala at sumunod sa Diyos. Nais kong makita natin ang halaga ng pagsama ni Lot kay Abram. Si Lot ay pamangkin ni Abram sa kanyang kapatid. Nakasama niya ito nang ang kanyang amang si Terah ay lumipat sa Haran mula sa Ur. Nakita ni Lot kung anong uri ng buhay mayroon ang kanyang tiyuhin. Nang mamatay si Terah, naiwan siya sa poder ni Abram. Sa pagsunod ni Abram sa Diyos, maaari nang tumiwalag si Lot ngunit hindi gayon ang nangyari, pinili ni Lot na sumama sa pagsunod ni Abram sa Diyos. Naniniwala akong kung ang isang tao ay matuwid na sumusunod sa Diyos, ang mga nakakasama niya sa buhay ay mga taong magtitiwala at susunod din sa Diyos na kanyang kinikilala.

TAYONG LAHAT AY MAGTIWALA AT SUMUNOD SA DIYOS.  Magtiwala tayo sa Diyos sapagkat Siya ay mabuti, makatarungan at makapangyarihan. Walang anumang suliraning di natin kakayanin. Sumunod tayong lahat sa Diyos kahit tila ito ay imposible. Ngunit dahil ang Diyos ang nagsabi at nag-utos, sumunod tayong walang pagdududa.

Pastor Jhun Lopez


______________________


No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...