Search This Blog

Wednesday, June 13, 2018

HALIGI NG TAHANAN: MATATAG


Kaya't mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya'y nakatayo,
at baka siya matisod.
1 Corinto 10:12

MAG-INGAT. Nais kong batiin ang lahat ng mga tatay sa pamamagitan ng salitang ito. Marahil, kung mayroong inaasahang maging matatag sa loob ng isang tahanan, iyon ay si Tatay! Kaya mag-ingat sapagkat kung mayroon din namang nais maibagsak ang kaaway sa isa sa mga kaanib ng pamilya, si Tatay iyon! Ingat.

SINUMANG NAG-AKALANG NAKATAYO. Si Apostol Pablo ay nanggagaling sa kalagayan ng bayang Israel sa panahon ni Moises. Kumain sila ng pagkaing espirituwal, uminom sila sa batong espirituwal, ngunit marami sa kanila ang hindi kinalugdan ng Diyos (t.1-5). Nakatayo sila. Maaaring taas-noo kung maglakad dahil nalalaman nilang sumasakanila ang presensiya ng Diyos. Ngunit ang buhay nila’y hindi naging katanggap-tanggap sa Diyos. Maraming tatay ang nagpapakita ng "macho image." Ipinaaalam sa loob ng tahanan at maging sa harap ng kanyang mga kaibigan na siya ang "hari" ng kanyang pamilya. Subalit marami ring tatay ang hindi nagiging kalugud-lugod sa Diyos sa kabila ng ipinakikitang imahe sa harap ng  mga tao.

NAKATAYO BAKA MATISOD. Hindi maikakaila na maraming tukso sa kapaligiran, lalo na para kay Tatay! Ang pagsubok sa pamilya ay unang tumatama sa pinuno ng tahanan. Maaaring matatag na nakatayo  subalit ang babala’y baka matisod. Sa talatang 13, binigyang-diin ang paraan sa pagiging matatag ng sinumang tumatayo sa presensiya ng Diyos. Lahat ng tao ay dumaranas ng pagsubok. Tapat ang Diyos na nagbibigay ng pagsubok. At bibigyan Niya tayo ng lakas sa pagharap sa mga pagsubok. Ang pagharap sa mga pagsubok ay paraan ng Diyos upang matutuhan ni Tatay ang mga paraan sa pagtatagumpay ng kanyang tahanan. Sa gayon, ang haligi ng tahanan ay tunay na magiging matatag.

Pastor Jhun Lopez
______________________________

Nakaraang blog: TINAWAG UPANG MAGLIWANAG
(Click the Title)


No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...