Search This Blog

Friday, June 8, 2018

TINAWAG UPANG MAGLIWANAG


Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit."
Mateo 5:16


TINAWAG UPANG MAGLIWANAG. Walang pasubali, ang mga alagad ng Panginoong Jesus ay tinawag Niyang mga ilaw ng sanlibutan. Na ang inaasahan ay buhay na nagliliwanag at hindi ng kadiliman. Namumuhay sa kabanalan. Naninindigan sa katuwiran. Hindi nakikiayon sa takbo ng mundo na taliwas sa kaliwanagan ng Diyos. Napagtatagumpayan ang mga gawaing masama. Nagliliwanag ang uri ng pamumuhay.

SA HARAP NG MGA TAO. Ang liwanag ng ilaw ay ginagawa sa harap ng mga tao, lalo na sa mga taong nadidiliman. Kung ilaw, makikita’t makikita. Hindi maitatago ang liwanag nito.  Ang liwanag ng mabuting paggawa ay nagsisilbing mabuting patotoo sa mga tao. Patunay ng ating pagiging Cristiano. Hindi sa mga piling tao lamang. Ang paggawa ng mabuti ay hindi kailanman dapat maging pakitang-tao lamang. Na sa harap ng mga piling tao ay mabuti ngunit sa mga kapareho ng gawain ay lantaran ang paggawa ng masama. Tayo ay tinatawag upang magliwanag sa harap ng mga tao, sa lahat ng panahon, sa lahat ng dako.

PAPURIHAN ANG AMA. Ang paggawa ng mabuti, lalo’t nakikita ang sinseridad ng gumagawa nito, ay nagdadala sa “spotlight.”  Hindi maiiwasang tumanggap ng pasasalamat at papuri. Gayunman, lagi nating tatandaan na ang paggawa ng mabuti ay nararapat magdulot ng karangalan sa Diyos. Ang pasalamat ay maaaring tanggapin. Tama lang namang magbalik ng kabutihan ang taong nagawan natin ng mabuti, ngunit higit pa roon, ang tamang maging layunin natin ay ang mapapurihan ang ating Diyos Amang nasa langit.
Sabihin, “Salamat, purihin ang Diyos!" At sa isipang, “Tinawag yata akong magliwanag!

Pastor Jhun Lopez

_________________________
Nakaraang blog: LIWANAG NG MABUTING PAGGAWA
(Click the Title)


No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...