Magalak kayong lagi sa Panginoon.
Inuulit ko, magalak kayo!
Filipos 4:4
PINAKAMATINDING GIYAGIS SA BUHAY. Sino ang walang problema? Turuan n’yo nga ako! Sa maliit o sa malaking dahilan, matanda o bata pa man, ang bawat isa ay may pasanin sa buhay. Ano nga ba ang pinakamatinding giyagis sa buhay ang maaaring magpabagsak sa isang Cristiano? Marahil masasabi ng ilan, naranasan ko na ‘yan! Pero nakamamanghang isiping nakatayo pa rin sila ngayon. Sapagkat ang katotohanan, ang mga problemang pinagdaraanan ay malalampasan.
MAGALAK KAYONG LAGI. Si Apostol Pablo ay nasa sitwasyong hindi magugustuhan ng lahat. Siya ay nakakulong at malapit na sa wakas ng kanyang buhay. Walang puwang ang pagsasaya. Ngunit magandang makita natin na sa kabila ng kanyang kalagayan, hinimok pa rin niya ang mga taga-Filipos na magalak. Ibig sabihin lamang nito, mismong si Pablo ay nagalak kahit ano pang bigat ng sariling kalagayan. Naririnig ko sa likod ng aking isipan, “Aleluya pa rin!”
INUULIT KO, MAGALAK KAYO! Mahirap isiping binabagyo na ang buhay mo’y nagagawa mo pang ngumiti, magpasalamat at magpuri sa Diyos na nagsasabing, “Aleluya pa rin.” Ang pag-uulit ay pagbibigay diing dapat lang talagang magalak kahit anumang sitwasyon ang pinagdadaanan. May mga giyagis sa buhay natin; sa pamilya, sa kabuhayan, sa kalusugan, at sa buhay Cristiano. Dumaraan tayo sa iba’t ibang pagsubok at suliranin. Nawa’y mahanap natin ang daan ng Diyos sa pagtatagumpay. Magsimulang magalak, sa pag-asang pansamantala lamang ang mga giyagis. “Aleluya pa rin!”
Pastor Jhun Lopez
____________________________
Nakaraang blog: HALIGI NG TAHANAN: MATATAG
No comments:
Post a Comment