Search This Blog

Tuesday, August 9, 2016

MAPALAD ANG MAHABAGIN

"Mapalad ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos.
Mateo 5:7

MAHABAG KAYO! Isa na marahil sa isinisigaw ng karamihan sa ating panahon ay ang kahabagan lalo na sa tila walang katapusang pagpatay sa mga inaakalang kriminal at napagkamalang kriminal. Marami ang natutuwa sa kabila ng mga kaguluhang ito. Lalo na ang mga galit sa droga o kaya'y minsan ng nabiktima ng mga taong nasa impluwensya nito. Syempre, higit na nasisiyahan ang kapulisan dahil nabawasan ang mga "kriminal." Sa kabilang banda, humihiyaw ang panawagan ng human rights. Mahabag at tigilan na ang pagpatay lalo't hindi lahat sigurado kung ang napatay ay guilty o hindi. Bilang Cristiano, naniniwala akong may kurot sa puso natin ang araw-araw na balita ng kamatayan. Nakaaawa at nakalulungkot para sa mga naiwan ng makikita mong nakahandusay sa kalsada. Nahahabag tayo sa kanila bakit hindi. Pero sa ngayon, wala tayong magagawa kundi ang manalangin.

NAHAHABAG TAYO!. Ang paligid natin ay puno ng mga sitwasyong umaantig at tumitinag sa puso't damdamin. Napakaraming tao ang ngayon ay nagpipilit mabuhay sa kabila ng sila'y dinapuan ng cancer o sakit na tila wala ng lunas. Ang mga pampublikong ospital ay punung-puno ng mga kababayan nating nagsusumiksik para lamang makalibre sa mga bayarin. Ang lansangan ay hindi ligtas sa paningin natin. Ilang bata na ba ang nakita mong nagkalat sa daan para lamang makahingi ng perang hindi mo alam kung saan dadalhin? Marami sa kanila ang lumalaki sa isang komunidad na dapat ay hindi nila kinamulatan. Na sa darating na panahon, sila naman ang posibleng maging sakit ng lipunan. Nakahahabag ang kanilang mga kalagayan. Sa pangkalahata'y wala tayong magagawa. Subalit sa simpleng pagkilos ng kabutihan para sa kanila ay malaking bagay. Kikilos tayo sapagkat ang kahabagan ay isang damdaming mula sa kaibuturan ng puso na magpipilit na makagawa ng paraan para sa sinumang kanyang kinahabagan. At mapalad ka! Masaya ka! Kung ang damdaming ito para sa iba ay iyong nararanasan.


KAHAHABAGAN KA NG DIYOS! Ang buhay ay hindi nakatingin sa bunga ng mga ginagawa. Pero ito ang nagaganap. Kung ano ang iyong itinanim ay siya mong aanihin. Magtanim ka ng kahabagan. Ang mismong magpapakita ng habag sa iyo ay ang Diyos na mahabagin. Maaaring sa ngayon ay maginhawa ang buhay mo. O kaya'y wala kang dinaramdam. Ngunit kung sa kabila ng iyong kahirapan, kakulangan, kalungkutan o kabigatan ay nagagawa mo pang magpakita ng habag sa kapwa, napakaganda ng pangako ng Diyos, KAHAHABAGAN KA NIYA!

#pastorJHUN

No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...