TANGGAP KA BA? Ang bawat isa sa atin ay nagpupunta sa kapilya tuwing araw ng Linggo upang sumamba sa Diyos. Ang mapaglingkuran ang Panginoon sa papuri’t pagsamba ay pangunahin, maliban na lang kung may iba ka pang layunin. Dahil dito, ako ay naniniwala na wala tayong ibang nais kundi ang matanggap ang ating handog—isang karampatang pagsamba. Ating alalahanin ang paghahandog na ginawa ng magkapatid na Cain at Abel. Pareho silang naghandog sa Diyos. Nag-alay ng pagsamba. Ang handog ni Abel ay kinalugdan ng Diyos samantalang ang kay Cain ay hindi. Isang paalaala, maaaring nasa loob ka ng kapilya para sumamba subalit tanggap ba ng Diyos ang iyong pagsamba?
SA ESPIRITU AT SA KATOTOHANAN. Ang pagsamba ay hindi kaugalian lamang o rituwal lamang ng ating relihiyon. Hinahanap ng Diyos Ama ang tunay na mananamba. At kung may tunay, ibig sabihin lamang nito na may huwad o pekeng pagsamba. Nakalulungkot isiping matapos mong maging tapat sa patulu-yang pagdalo sa mga gawaing pagsamba ay nananatiling mali ang paraan ng ating ginagawang pagsamba. Hindi ito ang nais ng Diyos! Sa halip, ang pagsambang hanap Niya ay patuloy na itinuturo at ipinauunawa sa mga taong nais lumapit sa Kanya sa pagsamba. Kaya nga, ang pagsamba sa espiritu at sa katotohanan ay kailangang maunawaan ng bawat mananampalatayang Cristiano.
PAGSAMBA. Lumalim tayo sa pagsamba. Itaas natin ang Panginoong Jesus at Siya ang magdadala ng mga tao patungo sa Kanyang krus. Sama-sama nating papurihan at sambahin si Jesus!
*Ang blog na ito ay hango mula sa mga Pastoral Letter ni Pastor Jhun Lopez para sa Sangandaan IEMELIF Church. Siya ay nadestino rito bilang Pastor Residente noong taong 2006-2009.
No comments:
Post a Comment