Sinabi ng Diyos, "Huwag kang lumapit.
Hubarin mo ang iyong sandalyas
sapagkat banal na lugar ang kinatatayuan mo.”
Genesis 3:5
LIWANAG NG DIYOS. Ang bawat Cristiano ay umaasa sa liwanag ng Diyos. Liwanag na magsisilbing gabay sa matagumpay na paglakad sa mundong nadidiliman. Na sa karanasan ni Moises, ang liwanag ng nagliliyab na maliit na punongkahoy ay “hindi nasusunog.” Ang liwanag ng Diyos kailanman ay hindi matutupok!
HUBARIN MO ANG IYONG SANDALYAS. Hindi pinalapit si Moises. Pinahubad ang kanyang sandalyas na simbolo ng karumihan. Ito ang nagsisilbing proteksyon ng mga paa sa dumi ng lupa. Kaya’t ito rin ang pinakamaruming kasuotan. Sadyang sa paglapit sa liwanag ng Diyos ay may kailangang iwanan… ang maruming bahagi ng ating mga buhay. Hindi maaaring lumapit sa liwanag ang dilim nang hindi naliliwanagan. Hindi maaaring lumapit ang isang tao sa Diyos na hindi tinatamaan ng Kanyang kaliwanagan!
BANAL NA LUGAR. Ang liwanag ng Diyos ay simbolo ng kabanalan. Banal ang Diyos at ang kabanalan Niya’y nasa mga taong lumalapit sa Kanya. Katulad ni Moises na nagningning sa kaluwalhatian matapos tanggapin ang Sampung Utos sa Bundok Sinai. Ang liwanag ng Diyos ay magdadala sa buhay na banal ng bawat mananampalataya. Aalisin nito ang ating “sandalyas.” Ang ating kilos at salita ay makakakitaan ng katuwiran. Ang damdamin at isipan nati’y magliliwanag sa harapan ng madla.
Pastor Jhun Lopez
No comments:
Post a Comment