Search This Blog

Thursday, August 21, 2014

PANGINOONG NAGKAKALOOB

Ang lugar na iyo'y tinawag ni Abraham na,
"Ang  Panginoon ang Nagkakaloob."
At magpahanggang ngayon, sinasabi ng mga tao:
"Sa bundok ni Yahweh ay may nakalaan."
Genesis 22:14

ANG PANGINOON ANG NAGKAKALOOB. Sa bawat umaga, tayo ay nagigising taglay ang buhay na bigay ng Diyos. Karamihan sa atin ay kumakain ng tatlong beses sa isang  araw o kaya’y higit pa. Nakapagsusuot ng maayos na damit. Hindi man kalakihan, bawat isa ay may tahanang nasisilungan. Ang mga Ito ay pangunahing kailangan natin. Mga pangangailangang natitiyak kong ipinagkakaloob ng Panginoon.

SA BUNDOK NI YAHWEH AY MAY NAKALAAN. Marahil, sa kalagayan ng iba sa atin, marami pa rin ang mga pangangailangan. Buwanang bayarin sa kuryente at ilaw. Libu-libong tuition fees kung ikaw ay nagpapaaral ng anak sa kolehiyo o kaya'y sa private Elementary o High School. Pambayad sa doctor at pambili ng gamot ng mga may karamdaman. At marami pang listahan ng mga gastusing hindi maubus-ubos. Tanong ng marami, “Ang Panginoon nga ba ay nagkakaloob?” Ang tanging tugon, "Opo!" Laging may nakalaan ang Diyos sa sinumang “aakyat sa Kanyang bundok.” May tugon ang Diyos sa mga taong lumalapit at sumusunod sa Kanya. Isang positibong tugon sa ating pangangailangan.

MAGTIWALA SA KALOOB NG DIYOS. Tandaan: Ang Panginoon ay nagkakaloob sa sinumang magtitiwala sa Kanya na Siya'y Diyos na nagkakaloob. Si Abraham ay nagtiwala. Kahit ang hiningi ng Diyos na gawin niya ay mahirap para sa isang ama-ihandog ang sariling anak. Si Isaac ang katuparan ng mga pangako ng Diyos para kay Abraham. Subalit handa siyang isakripisyo ang pag-asa ng kanyang lah alang-alang sa pagsunod. Naniniwala si Abraham na ang pangako ng Diyos ay matutupad. Ang pag-asa niya ay nakatuon sa Diyos at hindi lamang sa mga bagay o tao sa kanyang paligid. Magtiwalang Diyos ay nagkakaloob!

 Pastor Jhun Lopez


No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...