Search This Blog

Thursday, September 25, 2014

AANDAP-ANDAP

Sinabi ng mga hangal sa matatalino,
'Bigyan naman ninyo kami kahit kaunting langis.
Aandap-andap na ang aming mga ilawan.'
Mateo 25:8

AANDAP-ANDAP. Ang langis sa ilawan ng mga dalagang hangal ay paubos na kaya’t ang  ilawan nila ay aandap-andap na. Malapit nang mamatay ang apoy!

ILAW TAYO NG SANLIBUTAN. Ang bawat isa ay kailangang magliwanag bilang ilaw ng sanlibutan. Ang makita sa ating buhay ang patuluyang paggawa ng mabuti. Ilaw na nagsisilbing huwaran sa pamumuhay ng isang Cristiano. Nagliliwanag. Naitataboy ang gawa ng kadiliman sa lipunang ginagalawan. Subalit paano kung ang ilaw ay aandap-andap na?

MAGING HANDA. Nauubos ang langis habang nakasindi ang ilawan. Hindi natin alam kung hanggang kalian tayo mabubuhay sa mundong ito. Hindi natin alam ang eksaktong pagdating ng Araw ng Panginoon. Subalit tiyak na isang araw ay darating ito. Napakahalaga ng paghahanda. Ang patuloy na paglago sa buhay Cristiano ay kailangang kailangan upang kahit anong oras dumating ang Panginoon, nagliliwanag ang ilawan at hindi aandap-andap.

KANYA-KANYANG LANGIS. Ang maging kabilang sa “kasalan” ay hindi pampamilya o nakareserba para sa dalawa o tatlong bisita. Ang pagpasok sa kaharian ng langit ay personal. Isahan. Hindi maaaaring ang langis ng isa ay maging langis ng isa pa. Kailangang magsikap para sa kanyang sariling langis ang bawat Cristiano. Dahil tiyak na aandap-andap ang ilawan ng taong iniaasa ang kanyang pananampalataya sa iba.

Kilos na! Punuin na ng langis ang iyong ilawan!
Sindihan ang ilawang aandap-andap!

Pastor Jhun Lopez


No comments:

Post a Comment

Featured Post

PATULOY TAYONG LUMAGO

    Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. S...