Sa kanyang pagkamatay sa krus, pinasan niya ang ating mga kasalanan upang tayo'y mamatay na sa kasalanan at mamuhay nang ayon sa kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat, kayo'y pinagaling.
1 Pedro 2:24
UPANG TAYO AY MAMATAY NA SA KASALANAN. Maliwanag sa atin na ang pagkamatay ni Jesus sa krus ay pagpasan sa kasalanan, hindi lang ng mga tao sa panahong iyon, kundi sa lahat ng mga tao sa lahat ng panahon. Kailangan ng sangkatauhan ang katubusan sa kasalanan na minana pa kay Adan. At sa panahong iyon na ang tao ay sukdulan na sa kasalanan, kailangan na ng "Arkong" magliligtas para sa lahat at pangwalanghanggan. Kailangan ng isang tupang ihahandog upang matubos ang kasalanan ng sanlibutan. Ito ang pagkamatay ni Jesus sa krus. Ang pangunahing epekto ng Kanyang kamatayan sa krus sa mga taong sasampalataya sa Kanya ay ang maranasan ang kamatayan sa kasalanan. Si Jesus ang napako at namatay sa krus, tayong sumasampalataya ay kasamang napako kung kaya’t sa kasalanan tayo ay nangamatay at pinalaya na. Wala na ang kapangyarihan ng kasalanan kung kaya't di na tayo maaalipin nito. Na sa tuwing tayo ay magkakasala, ang agad na pagpapahayag ng pagsisisi ay ating inihihingi ng kapatawaran.
UPANG TAYO AY MAMUHAY AYON SA KALOOBAN NG DIYOS. Ang kamatayan ni Jesus sa krus ay pinakadakilangw halimbawa ng pagsunod sa Diyos. Maaalala nating sinabi Niya bago Siya dakpin, “Hindi ang kalooban ko, kundi ang kalooban mo ang masunod”. Hindi madali ang pagdaraanan Niyang hirap patungo sa krus ng kalbaryo. Subalit ipinakita Niya sa lahat ng mga mananampalataya na ang maging tagasunod Niya ay sumusunod sa kalooban ng Diyos. Tayo ay nakipag-isa na sa Panginoong Jesus, kasama dito ang pagtulad sa Kanyang pagpapakumbaba at pagpapasakop sa kalooban ng Diyos. May sarili tayong kalooban, subalit bilang mananampalataya, ang kalooban ng Diyos ang nagiging kalooban natin. Nagiging isa tayo maging sa nais at plano ng Diyos sa ating mga buhay.
PastorJLo
No comments:
Post a Comment