Ang ginto, bagama't nasisira, ay pinapadaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay sinusubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo.
1 Pedro 1:7
Upang malaman kung tayo’y talagang tapat. Tayong lahat ay dumaranas ng pagsubok; magaan man ito o mabigat. May layunin ang Diyos kung bakit tayo nakararanas ng pagsubok. Pero kailangan nating matukoy kung ito ba ay pagsubok o bunga lamang ng ating pagkakasala. Ang pagsubok ay nariyan upang malaman natin kung talagang tayo ay tunay na mananampalataya. Maliban sa ating sarili, napatutunayan sa harap ng Diyos na tayo nga ay tapat sa pananampalataya. Sapagkat kung may tapat at totoo, mayroong hindi tapat at nagkukuwanwari lamang sa pananampalataya. Kaya nga, mahalagang manatili sa pananampalataya sa kabila ng mga pagsubok upang matiyak nating tayo nga ay mananampalataya. At maging kaluguran tayo sa harap ng Diyos dahil sa ating tapat na pananampalataya sa Kanya.
Upang tayo’y maitanghal sa araw ng Panginoon. Ang ating pananampalataya ay may gantimpala mula sa Diyos. Sa kabila ng mga pagsubok, ang pananatili sa pananampalataya ay magbubunga ng pagtatanghal sa atin ng Diyos. "Papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw ng Panginoon." Umaasa tayo sa muling pagparito ng Panginoong Jesus na sa araw na iyon ay ating tatanggapin ang lubos na pagpapala ng Diyos. Sa ngayon, ang mga pagsubok ay tila mga pasakit at pahirap sa buhay natin. Subalit, nalalaman nating ito ay malalampasan natin at mapagtatagumpayan na sa dulo ng ating mga buhay, ang pagtatanghal sa atin ng Diyos ay ating mararanasan sa harapan ng Kanyang trono.
PastorJLo
No comments:
Post a Comment