Sinasabi nating pinagpala ang mga nagtitiyaga at nagtitiis. Narinig na ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job at ang ginawa sa kanya ng Panginoon sa bandang huli. Talagang napakabuti at tunay na mahabagin ang Panginoon.
Santiago 5:11
Magtiyaga tulad ng isang magsasaka. nSino ba ang walang pinagtitiisan sa buhay? Sino ba ang walang pagsubok o problemang pinagdaraanan? Naniniwala akong, sa maliit o malaking dahilan, tayo ay nagtitiyaga at nagtitiis. Ang tanong, nararanasan ba natin ang pagpapala ng Diyos sa gitna ng mga bagyo sa buhay natin? May pagpapala sa mga nagtitiyaga at nagtitiis, ito ang totoo. Sa ating pagtatanim at mga pagpapagal, ang araw ng pag-ani ay ating tinatanaw. Walang magsasakang nagtanim at kinabukasan ay umasang may aanihin kaagad. Nalalaman niyang maghihintay pa siya ng ilang buwan upang tamasahin ang bunga ng kanuang pagtatanim. May pag-ani sa lahat ng nagtitiyagang naghihintay. Sa gitna ng pagtatanim at pag-ani ay ang buhay na puno ng pagtitiyaga at pagtitiis sa mga kaganapan sa buhay. Asahan nating sa dulo ng ating mga pagtitiis ay ang masaganang pag-ani.
Magtiyaga tulad ng mga propeta. Ang tawag ng Diyos sa mga Propeta ay pagdadala ng Kanyang mensahe sa bayan ng Diyos. Napakagandang pagkakataon upang maging lingkod ng Diyos. Subalit hindi ganoon kadali ang kanilang ministeryo. Kinailangan nilang humarap sa mga hari sa mga pinuno na ang kadalasang dala-dalang mensahe ay pagpaparusa ng Diyos sa bayan Niyang noon ay nakatakip ang pandinig sa tinig ng Diyos. Pagsasabihan nila ang bayang nagmatigas ang puso sa pagsunod sa Diyos. Mapanganib ang kanilang gagawin. Subalit, sa kabila ng mahirap na tungkulin, sukat maging delikado ang kanilang buhay, sumunod pa rin sila sa Diyos. Nagtiyaga silang dalhin ang mensahe ng Diyos at katawanin ang Diyos sa harapan ng Kanyang bayan, kahit nangangahulugan ito ng hirap na kanilang mararanasan. Tayo'y may kani-kaniyang hirap na pinagdaraanan, magtiyaga lang tayo sa pagsunod dahil ito ang nais ng Diyos.
Magtiyaga tulad ni Job. Mahirap ang makaranas ng pagsubok. Walang madali. Ang tiyak natin ay ang pagpapala pagkatapos nating mapagtagumpayan ang pagsubok. Pagpapalang mula sa Diyos. Marahil ay walang hindi nakakakilala kay Job. Naubos ang ari-arian, pinatay ang mga anak, halos maubos ang mga tauhan, nagkaroon ng mga bukol sa buong katawan, at iniwan ng asawa. Kung meron mang nakahawig sa buhay niya, ang tanong ay paano tayo nananatiling nagtitiwala sa Diyos sa gitna ng mgatitinding pagsubok na nararanasan. Marahil, isa o dalawang pagsubok, kakayanin pa. Subalit tatlo, apat, lima, hindi ko sigurado? Tularan natin si Job. Pinakamatinding hirap ang naranasan niya subalit nanatiling matuwid sa harap ng Diyos. At sa huli, siya ay pinagpala ng Diyos nang doble pa sa nakaraaang buhay niya. May pagpapala sa pagtitiyaga. Huwag susuko. Huwag tatalikod. Manatili sa pananampalataya sa ating Panginoon!
PastorJLo
No comments:
Post a Comment