Search This Blog

Saturday, August 31, 2024

MGA ANAK NG DIYOS

 Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag tayong mga anak ng Diyos, at iyon nga ang totoo. Ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan ay hindi nila kinikilala ang Diyos.

1 Juan 3:1

 

TINATAWAG TAYONG MGA ANAK NG DIYOS. Napakalaking pribilehiyo ang matawag na anak ng Diyos. Lahat ng tao ay mahal ng Diyos. Subalit hindi lahat ay tumutugon sa pagmamahal Niya. Kung kaya't hindi nila maranasan ang pag-ibig ng Diyos na naghahatid sa mga tao na maging mga anak ng Diyos. Hindi tayo nagiging Diyos, pero ang karapatan ng isang anak ay Kanyang ipinagkakaloob sa bawat taong tumatanggap at nananalig sa Panginoong Jesus (Juan 1:12). Tayo ay malayo sa Diyos at walang kaugnayan sa Kanya. Sa kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, ang sumasampalataya sa bugtong na Anak ng Diyos ay pinagkakalooban ng buhay na walang hanggan (Juan 3:16). Sa laki ng pag-ibig ng Diyos sa atin, tinatawag tayong mga anak ng Diyos!

NAGSISIKAP NA MAGING MALINIS. Ang maging anak ng Diyos ay isang pananagutan. Ang Diyos ay banal at walang anumang karumihan sa Kanya. Kaya naman, tayong mga tinatawag na mga anak ng Diyos ay marapat magsikap na maging malinis sa uri ng pamumuhay. "Kaya't ang sinumang may ganitong pag-asa kay Cristo ay nagsisikap na maging malinis tulad niyang malinis" (t. 3). Ang pagiging malinis natin ay batay sa kalinisan ng Panginoong Jesus. Tumutulad tayo sa Kanyang mga yapak. Ang buhay na walang kapintasan at walang dungis katulad Niya ay layunin ng bawat kumikilala sa Kanya. Patunay lamang na tayo nga ay mga anak ng Diyos kung ang buhay natin ay lumalakad sa buhay na katulad Niya.




HINDI NAGPAPATULOY SA PAGKAKASALA. Madaling sabihing kilala na natin ang Panginoong Jesus. Madaling ipagsabing tayo ay mga anak ng Diyos. Gayunpaman, kailangan ng pagpapatunay. Maliban pa sa pagsisikap na maging malinis, ang tunay na kabilang sa mga tinatawag na mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala. "Ang sinumang nagpapatuloy sa pagkakasala ay hindi nakakita ni nakakilala man sa kanya" (t. 6). Kung tunay na tayo ay kumikilala sa Panginoong Jesus, nagkakasala man tayo, pero hindi tayo nagpapatuloy sa pagkakasala. Hindi natin itinatago sa Diyos ang nagawang kasalanan, dahil wala naman tayong maaaring pagtaguan. Sa halip, ang pagpapahayag ng kasalanan ay agad nating ginagawa upang tayo ay mapatawad at Kanyang linisin sa lahat ng karumihan (1 Juan 1:9). Wala sa puso'y isip natin ang pagpapatuloy sa kasalanan sapagkat tayo ay tinawag Niyang mga anak ng Diyos.

                                                                                          PastorJLo

No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...