“…kayo'y mangagturuan at mangagpaalalahanan sa isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na magsiawit kayong may biyaya sa inyong puso sa Dios.”
Colosas 3:16
KUNG WALANG MUSIKA. Isipin mong walang anumang musika sa mundo… Nakakabagot ang buong paligid! Isipin mong walang musika sa pananambahang Cristiano. Mababagot ba tayo? Hindi! Dahil ang musika ay nasa ‘ting mga puso.
Diyos ang maylikha ng musika. Ito ay mabuting kaloob ng Diyos upang magamit natin sa pakikipag-ugnay sa Kanya at sa ating kapwa. Ang musika ay bahagi ng kalikasang ibinigay ng Diyos sa tao noong ito ay Kanyang likhain. Kaya’t marapat lamang na sa ating pag-awit, tayo ay makapagbigay ng papuri’t pagsamba sa Dakilang Manlilikha.
MUSIKA SA PAGSAMBA. Ang Linggong ito ay tinatawag nating Music Sunday sa layuning tayo bilang magkakapatiran ay magdaos ng gawaing pagsamba na pinuno ng mga awitin. Umaasa akong magiging pasimula ito sa buhay ng bawat isa sa panibagong himig na nakatuon sa Panginoong Jesus.
Magsaya tayong lahat sa awiting ibinigay ng Diyos sa atin. Itodo ang tinig na nagmumula sa kailaliman ng aing mga puso patungo sa trono ng Mahabaging Diyos. Awitan… tugtugan na!
PastorJLo
No comments:
Post a Comment