…ngunit sinabi sa kanila ng anghel, "Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang mabuting balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao.
Lucas 2:10
Walang taros na pagsasaya. Ito ang ginagawa ng maraming Pilipino. Kilala tayo bilang Fiesta Island dahil na rin sa napakaraming pista na ipinagdiriwang natin. Noo’y mga poon lamang ang ipinagpipista, ngayo’y mula isda, hayop, at mga halaman ay kabilang na sa mga kapistahan ng bayan. Hanggang saan ang mga pagdiriwang na ito?
Lubos na kagalakan. Hindi ito katumbas ng walang katapusang pagsasaya. Ang lubos na kagalakan ay isa sa mga pangako ng pagdating ng Panginoong Jesus nang Siya ay isilang ng birheng Maria. Ang karanasang ito ay para sa mga mananampalataya ng Cristong isinilang mahigit 2000 taon na ang nakararaan. Hindi lang kagalakan ang nararapat nating maranasan. Isang kagalakang nag-uumapaw. Hindi kulang, hindi bitin. Lubos at malaking kagalakan!
Sa lahat ng mga nalulungkot at nalulumbay, sa mga nanghihina at nanlulupaypay, tanggapin natin ang lubos na kagalakang dulot ng ating pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo.
PastorJLo
No comments:
Post a Comment