Bukal na nilabo o balong nadumihan ang katulad ng matuwid na sa masama ay nakipagkaibigan.
Kung paanong masama ang labis na pulot-pukyutan, gayon din ang pagkagahaman sa karangalan.
Ang taong walang pagpipigil ay tulad ng lunsod na walang tanggulan, madaling masakop ng mga kaaway.
Kawikaan 25:26-28
______________
Naranasan mo na bang minsan ay napasang-ayon ka sa maling gawain ng mga taong masama? O ikaw ang mismong nanunulsol sa mga kakilala mong makiayon sa gawain mong masama? Sa alin mang sitwasyon, hindi ito nararapat mangyari sa buhay ng isang mananampalataya. Malaking kasinungalingang sabihin nating tayo ay mga Cristiano kung ang buhay natin ay naaakay sa gawain ng kasalanan. At siyempre, lalong higit na di tayo dapat ang pinagmumulan ng ikasasama ng ating kapwa.
Noong ako ay bago pa lamang sa pananampalataya, sinubukan kong magbisyo. Sa pag-aakalang mas mukha akong "macho" kapag ang hawak ko ay sigarilyong umuusok o di kaya ay bote ng beer na sabi nila ay pang-tunay na lalaki raw. Ilang stick, ilang bote, di ko nakitang nakabuti sa akin. Salamat sa Diyos at hindi Niya ipinahintulot na magustuhan ko sila. Itinigil ko at itinalaga ang sarili na hindi na muling gagawin o tikman man. Mahigit 30 taon na ako sa buhay Cristiano, sa biyaya ng Diyos, hindi ako na-compromise kahit may mga nagpipilit sa akin.
Ngayong taong 2023, muli kong itinatalaga ang aking sarili sa Diyos, sa matuwid na pamumuhay. Hindi ko inaasahang magiging perpekto ito. Pero sa Kanyang biyaya ay pagsisikapan kong hindi makipagkaibigan sa masama, hindi maging gahaman sa karangalan at matutuhan ang pagpipigil sa sarili. Ang matuwid na buhay ang siyang makita ng Panginoon at ng mga taong nakakasalamuha ko.
Mahirap mamuhay sa katuwiran. Gayunpaman, ang pag-asa natin ay ang presensiya ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng Kanyang Banal na Espiritu na Siyang gagabay at papatnubay sa ating upang maipamuhay ang taong 2023 sa Kanyang kabanalan. Mailayo tayo sa masama, subalit gamitin din naman tayong tagaakay ng mga tao patungo sa Kanyang kaliwanagan. Nang sa gayon ay makabilang sila sa mga taong matuwid dahil sa pananampalataya sa Panginoong Jesus!
Pastor Jhun Lopez
No comments:
Post a Comment