Search This Blog

Monday, March 7, 2022

REACHING OUT TO OUR WORLD

                                                     Mateo 9:36-38

Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila'y litung-lito at hindi alam ang gagawin, parang mga tupang walang pastol.

Kaya't sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Napakaraming aanihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. 38 Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala ng mga mag-aani.”

_____________________

Dama ng Panginoong Jesus ang pangangailangan ng mga tao. Ang Panginoong Jesus ay hindi malayo sa mga tao. Siya ay namuhay kasa-kasama ng mga alagad at ng mga taong sumusunod sa Kanya. Tinuruan at pinangaralan Niya sila. Pinagaling ang mga karamdaman. At nakasama Niya ang mga ito sa paglalakbay maging sa pagkain at pagtulog. Kaya nga, nakita Niya ang nakahahabag na kalagayan ng mga tao. Litong-lito, hindi alam ang gagawin at parang mga tupang walang pastol. Sa kaibuturan ng Kanyang puso, dama Niya ang matinding pangangailangan ng mga taong nasa paligid Niya.

Damhin natin ang komunidad na ating kinalalgyan. Imulat ang mga mata sa kanilang kalagayan. Hindi aksidenteng tayo ay napabilang sa komunidad na iyan, sa halip, may dahilan kaya tayo nabubuhay kasama nila sa mundong ito. Abutin natin sila sa pamamagitan ng pagdama sa kanilang dalahin sa buhay.

Inabot ng Panginoong Jesus ang mga tao. Ang nakita at nadama ay hindi sinarili ng Panginooong Jesus. Agad Niya itong sinabi sa mga alagad. Ang pasanin para sa mga nangangailangan ay Kanyang ibinahagi sa mga taong nalalaman Niyang makikiramay sa Kanya at sa mga taong Kanyang kinahabagan. Ipinakita Niya ang dami ng mga taong nangangailangan. Hinimok Niyang manalangin sa Diyos ang mga alagad nang sa ganoon ay magpadala ang Diyos ng mga mang-aani.

Maliban sa mga pagsasagawa natin ng mga gawaing Cristiano, sa ating mga pagtitipon, isama natin ang mga pagpaplano sa konkretong pamamaraan kung paano natin maaabot ang mga taong ito. Idalangin nating tayo ay bigyan ng Diyos ng karunungan kung paano tayo makikipag-ugnay sa ating komunidad upang makatulong tayo at makatugon sa kanilang mga pangangailangan.

Pagpalain tayong lahat ng Panginoong Jesus!

Pastor Jhun Lopez

No comments:

Post a Comment

Featured Post

LUMALAGO SA PANANAMPALATAYA

      Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay ...