1 Juan 3:18
"Mga anak, huwag tayong magmahal sa pamamagitan ng salita lamang, kundi patunayan natin ito sa pamamagitan ng gawa."
____________________
MAGMAHAL, HINDI SA SALITA LAMANG. Napakadaling sabihin ang mga salitang "I love you," o kaya'y "Mahal kita." Ito ang mga pananalitang kadalasan ay naaabuso sa paggamit para madaya o matukso ang isang tao sa masamang ninanasa. Ang malalim na diwa ng pagmamahal ay naging normal na pananalita at pagbati na lamang. Sa sulat ni Juan, paulit-ulit niyang ipinauunawa ang halaga ng pagmamahalan sa isa't isa ng mga mananampalataya. Ang pananahan ng Diyos sa buhay ng isang tao ay nagbubunga ng pag-ibig sa kapwa lalo na sa mga kapwa mananampalataya. Kaya nga, binibigyang-diin niyang hindi masusukat sa simpleng pagsasabi ang pagmamahal.
MAGMAHAL, PATUNAYAN SA GAWA. Ang pagmamahal ay salitang pandiwa. Ito ay nagsasabi ng isang pagkilos. Sa mga mananampalataya, ang pinakamagandang halimbawa ng pagmamahal ay ang ginawa ng Panginoong Jesus sa krus - inialay Niya ang Kanyang buhay alang-alang sa kasalanan ng sanlibutan. Ang Panginoong Jesus ay napako at namatay sa krus upang tubusin tayo sa kasalanan. Iyon ang pagmamahal! Isang pagkilos para sa ikabubuti ng iba kahit pa ito ay mangahulugan ng pagsasakripisyo ng ating buhay. Uunahin ang kapakanan ng iba at ibibigay ang buong makakaya upang matulungan o matugunan ang kanilang pangangailangan. Hindi sapat na sabihing, "Mahal kita" kung wala ka namang ginawang hakbang para maranasan ang sinambit na damdamin.
Pastor Jhun Lopez
No comments:
Post a Comment